MARCOLETA, DEFENSOR ARESTADO SA PLUNDER CASE

(JESSE RUIZ/JULIET PACOT)

PORMAL nang inaresto ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Senador Rodante Marcoleta matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kinahaharap nitong non-bailable plunder case.

Kinumpirma ni Sandiganbayan Third Division Associate Justice Karl Miranda na inilabas ang warrant matapos makita ng korte ang probable cause sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman.

Ayon sa reklamo, hindi umano idineklara ni Marcoleta ang P75 milyong campaign donations sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Kasama ring inisyuhan ng arrest warrant ang dating kongresista na si Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray, na nahaharap din sa kaugnay na mga kaso.

Nauna nang sumuko si Marcoleta sa Sandiganbayan upang dumalo sa pagdinig sa kanyang motions to quash at defer the issuance of warrant of arrest, ngunit kapwa ito ibinasura ng korte kaya agad na ipinatupad ang arrest order.

Kasunod nito, dinala ang senador sa CIDG para sa booking procedures at medical examinations.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, maaaring tumagal ng hanggang dalawang araw ang kumpletong medical examination bago mailipat si Marcoleta bilang person deprived of liberty (PDL).

“Hopefully within the next two days, tapos na lahat ang kaniyang examinations para sa kanyang full health na irereport namin sa Sandiganbayan,” ani Remulla.

Pansamantalang nananatili si Marcoleta sa PNP General Hospital habang isinasagawa ang iba’t ibang laboratory at medical examinations bilang bahagi ng standard booking procedures.

Samantala, kinumpirma rin ni Remulla na naaresto sina dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at negosyanteng Joseph Espiritu sa isang coffee shop sa Quezon City.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang dalawa sa CIDG headquarters para sa booking procedures.

Nang tanungin ng media si Defensor sa kanyang pagdating, maikli lamang ang kanyang naging tugon.

“Heto, nakakulong na!”

Habang isinusulat ang balitang ito, ang negosyanteng si Aristotle Viray na lamang ang hindi pa naaaresto o kusang sumusuko.

Matatandaang isinampa ng Office of the Ombudsman ang plunder case matapos umanong matuklasang ang kabuuang P75 milyong campaign donations mula kina Defensor, Viray at Espiritu ay hindi idineklara ni Marcoleta sa kanyang SOCE at SALN.

Mariin namang itinanggi ni Marcoleta ang mga akusasyon at iginiit na isa lamang itong “political persecution”, bagay na pinabulaanan naman ng Malacañang.

Sa Korte na Magpaliwanag

Kaugnay nito, hinikayat ng Malacañang sina Senador Rodante Marcoleta at dating Cong. Mike Defensor na sagutin sa korte ang mga alegasyon laban sa kanila kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder.

Binigyang-diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iginagalang ng administrasyon ang judicial process at hindi ito nakikialam sa justice system.

Ayon kay Castro, iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging hakbang ng Sandiganbayan sa pagpapalabas ng arrest order.

“Kung iyan po ang isinasaad at sinasabi ng batas at iyan naman po ang kautusan ng korte, iyan naman po ay irerespeto ng Pangulo,” ani Castro.

Sinagot din ni Castro ang pahayag ni Defensor na inuna umano silang ipakulong ng administrasyon kaysa habulin ang mga tunay na magnanakaw.

Ayon sa Palace press officer, mas makabubuting magsumite ng kongkretong ebidensya sa mga awtoridad kaysa dumaan lamang sa media. “Sa korte na lamang po nila ito gawin at depensahan.”

(May dagdag na ulat si TOTO NABAJA/CHRISTIAN DALE)

60

Related posts

Leave a Comment