(TINA MENDOZA/DANG SAMSON-GARCIA)
HINDI dumalo si Vice President Sara Duterte sa unang araw ng kanyang impeachment trial sa Senado, habang iginiit ng kanyang kampo na karapatan niyang ipaubaya sa kanyang mga abogado ang pagharap sa paglilitis.
Ayon kay Defense Team Spokesperson Atty. Michael Poa, pinili ni Duterte na magpakatawan sa kanyang legal counsel, bagay na pinahihintulutan ng impeachment rules.
“VP Duterte has chosen to appear by counsel and it’s her right that her appearance remain through counsel,” ani Poa.
Nilinaw din niya na naaayon sa mga tuntunin ng impeachment proceedings ang pagharap ng mga abogado sa halip na ang mismong respondent.
Dagdag pa ni Poa, matagal nang naghahanda ang Bise Presidente para sa paglilitis.
“She’s been preparing actually more than a year.”
Tumanggi naman siyang isapubliko ang magiging estratehiya ng depensa, kabilang na kung personal bang dadalo si Duterte sa mga susunod na pagdinig.
“That will depend how the proceedings go. We will advise her accordingly,” ani Poa.
Matatandaang hinamon ng prosecution panel si Duterte na personal na humarap sa impeachment court upang sagutin ang mga reklamong isinampa laban sa kanya.
Escudero Hinalal na Presiding Officer
Samantala, inihalal ng impeachment court si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
Nagkaroon muna ng pagtutol si Senador Alan Peter Cayetano, na iginiit na si Senate President Sherwin Gatchalian ang dapat mamuno sa impeachment court.
Ayon kay Cayetano, kuwestiyonable ang ginawang pag-amyenda sa impeachment rules noong Hunyo 3 dahil umano sa isyu ng quorum.
Ipinaliwanag naman ni Gatchalian na ang pagbabago sa rules ay naaayon sa Konstitusyon at anumang pagtutol dito ay dapat idaan sa Senado bilang legislative body.
Sa kabila ng pagtutol, isinailalim sa botohan ang mosyon ni Senador Panfilo Lacson na italaga si Escudero bilang presiding officer.
Sa botong 12-8, inaprubahan ng impeachment court ang mosyon at pormal na inihalal si Escudero.
Itinalaga rin ng impeachment court si Atty. Reginald Tongol bilang tagapagsalita ng korte.
Special Task Force Pinakilos
Pinakilos naman ng Philippine National Police (PNP) ang Special Task Group kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang task group ang mangangasiwa sa police operations bago, habang isinasagawa at matapos ang impeachment proceedings, partikular sa paligid ng Senado.
Nauna nang inilagay sa full alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay NCRPO Spokesperson Major Hazel Asilo, mahigit 3,250 pulis ang ipinakalat sa loob at paligid ng Senado.
Mayroon ding 2,900 Civil Disturbance Management personnel na naka-standby para sa agarang augmentation kung kinakailangan.
Nakapuwesto ang mga pulis sa hilaga, harap at timog ng J.W. Diokno Boulevard upang mapanatili ang kaayusan, tulungan ang mga motorista at pedestrian, at matiyak ang maayos na daloy ng mga aktibidad.
Naglagay na rin ang PNP ng karagdagang CCTV cameras sa mga estratehikong lugar.
Sa kabila nito, sinabi ng PNP na wala silang natatanggap na anumang validated threat kaugnay ng impeachment proceedings.
(May dagdag na ulat si TOTO NABAJA)
46 