BINATI ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang Filipinang tennis sensation na si Alex Eala sa patuloy nitong makasaysayang kampanya sa Wimbledon, kasabay ng pagsasabing isa na itong inspirasyon sa kabataang Pilipino.
Ayon kay Speaker Dy, muling ipinagmamalaki ni Eala ang Pilipinas sa bawat panalong naitatala nito sa prestihiyosong torneo.
“Congratulations, Alex! Muli mo na namang ipinagmalaki ang ating mga kababayan. Sa bawat panalo mo, ipinapakita mo sa buong mundo ang husay, tapang, at determinasyon ng Pilipino,” ani Dy.
Sinabi pa ng lider ng Kamara na higit pa sa mga panalo sa tennis court ang naibibigay ni Eala dahil nagsisilbi na rin itong simbolo ng sipag, tiyaga at kahusayan para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
“Hindi ka lamang nananalo sa mga laban—napapanalo mo rin ang puso ng mga tao sa buong mundo at nagbibigay ka ng inspirasyon sa napakaraming kabataang Pilipino na mangarap nang malaki at maniwala sa kanilang kakayahan,” dagdag pa niya.
Tiniyak din ni Speaker Dy ang buong suporta ng sambayanang Pilipino habang ipinagpapatuloy ni Eala ang kanyang kampanya sa Wimbledon.
“Laban lang, Alex! Kasama mo ang sambayanang Pilipino sa bawat hakbang ng makasaysayang kampanyang ito.”
(TINA MENDOZA)
36 