Kahit ‘di tiyak na epektibo sa SAV PASAY NAGHIHINTAY SA 275K DOSES NG ASTRAZENECA

UMAASA ang pamahalaang lungsod ng Pasay na makatatanggap ito ng mahigit 275,000 doses ng AstraZeneca dahil higit itong epektibo at mura ang presyo.

Ang 275,000 doses ng bakuna ay resulta ng “tripartite agreement” ng pamahalaang lokal, pambansang pamahalaan at sa AstraZeneca na pinagkasunduan na ipantuturok sa mga residente ng lungsod nang walang bayad, pahayag ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Pag-aari ng kumpanyang British-Sweden ang AstraZeneca.

Naniniwala si Rubiano na higit na gagana ang bakunang AstraZeneca upang mapuksa ang South African variant (SAV) ng COVID-19 dahil sa napakataas na efficacy rate nito, ayon sa lumabas sa mga clinical trial sa ibang bansa.

Ayon sa molecular biologist at kasapi ng OCTA Research na si Fr. Nicanor Austriaco, nagsimula ang SAV sa South Africa.

Ipinaliwanag ni Austriaco na maaaring tawaging “Super COVID” ang South African variant dahil higit itong nakahahawang uri ng virus.

Naniniwala ang mga eksperto na hihina ang vaccination program ng pamahalaan na sinimulan noong Lunes, dahil ang pagdating ng SAV sa bansa ay tila nagbigay ng “dramatic na pagsipa” sa baksinasyon laban sa COVID-19.

Ayon sa pag-aaral, bumaba umano ang efficacy rate ng bakuna ng AstraZeneca ng 10 porsyento mula sa 70 porsyento nito laban sa SAV.

Dalawa sa tatlong residente ng Pasay ang nagpapagaling sa SAV.

Batay sa Department of Health (DOH), anim lahat ang mga Filipino na nagkaroon ng SAV, kabilang ang tatlo sa Pasay.

“Pinili namin ang bakunang ito dahil mas mataas ang efficiency rate at mas abot kaya,” saad ni Rubiano.

Ayon sa datos ng lungsod, umabot sa 8,203 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pasay.

Ang mga nagsigaling na mula sa nasabing bilang ay 7,466, samantalang 521 ang nananatiling aktibo. Pumalo naman sa 216 ang mga namatay.

Ang 275,000 doses ng AztraZeneca ay iba pa sa ipinangako ng pambansang pamahalaan na 5,000 doses ng bakuna ng Sinovac Biontech. (MARINHEL T. BADILLA)

 

166

Related posts

Leave a Comment