NATIMBOG ng Navotas City Police ang isang babaeng Chinese national at isang Filipino sa operasyon laban sa pagbebenta ng hindi rehistradong COVID-19 test kits.
Dinakip ng mga awtoridad sina Liset Lo Kaw, 40, ng Barangay San Rafael Village, Navotas, at Christian Casanova Cruz, 23, ng Concepcion, Malabon City.
Nabatid sa pulisya, ang dalawa ang pinuno umano ng tinaguriang Christian criminal group na ang pronta ay online selling.
Naunang inginuso ng Food and Drug Administration na ilegal na nagbebenta sa online ng hindi rehistradong COVID-19 rapid test kits ang dalawang suspek at sa isinagawang operasyon ay isang undercover cop ang nakabili ng 109 kahon ng Clungene rapid test kits sa mga ito.
Nakuha sa pag-iingat ng mga dinakip ang 154 kahong naglalaman ng tig-50 piraso ng Clungene rapid test kit na nagkakahalaga ng P1 milyon, at P436,000 marked money. (ALAIN AJERO)
220 