DND umalma sa China 220 MILITIA SHIPS PINALALAYAS SA WPS

PINALAGAN ng Department of National Defense at maging ng National Security Council ang panibagong panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas matapos malantad ang presensiya ng umano’y 220 militia ships sa Julian Felipe Reef.

“We call on the Chinese to stop this incursion and immediately recall these boats violating our maritime rights and encroaching into our sovereign territory. We are committed to uphold our sovereign rights over the WPS,” pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Matapos iparating ng Philippine Coast Guard at National Task Force for the West Philippine Sea sa DND at Department of Foreign Affairs ang presensiya ng mga barko ng China ay agad nanawagan si Lorenzana na itigil ang panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Hiniling nito na agad paalisin ang nasa 220 Chinese vessels na naka-angkla ngayon sa Julian Felipe Reef dahil sa paglabag nito sa maritime rights ng Pilipinas.

Tahasang inihayag ni Sec. Lorenzana na ang ginawa ng China ay malinaw na isang provocative action para i-militarize ang nasabing lugar na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at Continental Shelf (CS) ng Pilipinas kung saan ang mga Pilipino ang may karapatan sa mga resources sa ilalim ng international law at 2016 arbitral ruling.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DND sa Philippine Coast Guard, National Task Force for the West Philippine Sea at Department of Foreign Affairs para sa kaukulang aksiyon ukol dito at para mabigyan ng proteksiyon ang mga Pilipinong mangingisda.

“The reef is within the Philippines’ exclusive economic zone therefore we oppose any move of encroachment in this sovereign territory,” banggit naman ni LtGen. Cirilito Sobejana, AFP Chief of Staff.

Suportado rin ni Sobejana ang pahayag ni Lorenzana na dapat itigil na ng China ang pagsalakay sa teritoryo ng Pilipinas.

Kaugnay nito, naghain na umano ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China base sa rekomendasyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr., hinihintay niya lamang ang magiging tugon dito ng China.

 

KAPALIT
NG BAKUNA?

“Ang ginagawang ito ba ng China ang kapalit ng donasyon nilang bakuna, na lapastanganin muli ang ating soberenya?” tanong naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Kaugnay ito ng verified report na natanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) na pinaligiran na ng 220 Chinese vessels ang Julian Felipe Reef mula noong Marso 7 o isang linggo pagkatapos personal na tanggapin ni Duterte ang Sinovac vaccine donation ng China noong Pebrero 28.

Sinabi ng mambabatas na kapag nagkataon, ang Julian Felipe Reef ang ikawalong teritoryo ng Pilipinas na naagaw ng China nang harap-harapan dahil alam nilang hindi sila papalagan ni Duterte.

Una nang inagaw at tinayuan ng military facilities ng China ang pitong teritoryo ng Pilipinas sa WPS na kinabibilangan ng Mischief Reef, Johnson South, Cuarteron, Fiery Cross, Subi Reef, McKennan Reef at Gaven Reef’.

Sa ngayon ay kontrolado na rin ng China ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa Zambales kung saan patuloy nilang hinaharass ang mga Pilipinong mangingisda bagama’t hindi pa nagtatayo ng istraktura ang mga ito.

“Julian Felipe Reef may be next to be occupied by the imperialist China if the Duterte administration does nothing about it,” ani Zarate.

Dahil dito, hinamon ng mambabatas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagtanggol ang soberenya ng bansa na patuloy na binabastos ng China imbes na ubusin ang kanilang panahon sa pagre-red tag sa mga kritiko ng administrasyon.

“Kaya rin marahil namimihasa at mas naging agresibo pa itong China dahil ang Armed Forces of the Philippines at ang kapulisan ay mas naging busy pa ata sa ginagawa nilang red-tagging at pang-aatake sa mga aktibista at kritiko ng pamahalaan kesa sa pagbabantay sa ating teritoryo laban sa panghihimasok ng ibang bansa,” ayon pa sa mambabatas. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

296

Related posts

Leave a Comment