ISANG dating kagawad ng Philippine National Police at ama nito na may kasong two counts of murder, ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group sa lalawigan ng Camarines Sur.
Ayon kay PNP-AKG director, P/Brig General Jonnel C. Estomo, dinakip sa isinagawang law enforcement operation si PO1 Brentboris Ricafranca y Cedilla, alyas “Bimbo,” dating nakatalaga sa PNP-NCRPO, Southern Police District, at ang ama nitong si Pastor Ricafranca y Oaferina, alyas “Junior,” kapwa nakatala bilang most wanted person sa Pasay City.
Dahil sa facebook account ng mga kamag-anak, natunton at magkasunod na naaresto ang mag-amang suspek sa Brgy. Sta. Clara at Brgy. San Pascual, Buhi, Camarines Sur bandang alas-6:30 ng gabi noong Sabado.
Natunton ng mga operatiba ng PNP-AKG IRAD, sa pamumuno ni P/Col. Edward M. Cutiyog, ang pinagtataguan ng mga suspek matapos na makumpirma ang nakalap na intelligence information hinggil sa mga ito, ayon kay PNP-AKG spokesman, P/Lt. Col. Rannie Lumactod.
Ayon kay Lt. Col. Lumactod, nag-AWOL (absent without official leave) si PO1 Ricafranca, miyembro ng Pasay City Police, matapos barilin at mapatay ang mag-amang sina Ernesto Marcelo Jr. at Ernesto Marcelo Sr. habang nagsilbing look-out sa krimen si Pastor Ricafranca.
Sinasabing nag-ugat ang away dahil sa simpleng iringan ng dalawang pamilya na nauwi sa patayan.
Makaraan ang mahigit 12 taong pagtatago ng mga suspek ay nadakip ang mga ito ng mga tauhan ng PNP-AKG IRAD sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Eugenio Dela Cruz, presiding judge ng RTC Branch 117, NCR Judicial Region, Pasay City.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing kaso ng mga suspek. (JESSE KABEL)
181
