BANTA KAY MAYOR AQUINO ISINIWALAT SA PRESSCON

NAKAKUHA ng video ang PUNA ng press conference na ipinatawag noong 2018 nang ­napaslang na Calbayog City Mayor Ronald Aquino.

Ang presscon ay isinagawa isang araw bago ang 2018 barangay at SK elections.

Sa press conference na iyon, isiniwalat na ni Mayor Aquino ang diumano ay banta sa kaniyang buhay.

Nang minsan na magtungo siya sa kanilang resort sa ­Calbayog City kasama ang kanyang mga security ay may napansin siyang 6 hanggang 7 sasakyan na nakabuntot sa kanila.

Ayon pa sa alkalde nang palabas na siya sa kanilang resort ay may nakasalubong silang police mobile patrol na ang sakay ay Col. Alamo na noon ay hepe ng PNP Mobile Force sa lalawigan.

Kanila umanong pina-check kung kaninong mga sasakyan ang nakabuntot sa kanila.

Kinatok daw ni Col. Alamo ang isa sa mga sasakyan at makalipas ng 20 minuto saka sila nagbukas at naglabasan ng nga sasakyang kinalukulanan. Laking gulat nila ang may 15 katao na pawang may mga dalang sling bags.

Nang tanungin ni Mayor Aquino kung kaninong mga sasakyan ang nakabuntot sa kanya ay sinabi ni Col. Alamo na ilan daw sa mga ito ay pag-aari ni Vice Governor Jimboy Tan ng kanilang probinsiya.

Banggit pa ni Mayor Aquino na maging ang kaniyang mga supporters na mga barangay captain ay nakatatanggap din ng harassment.

Nabanggit pa sa video ni ­Mayor Aquino noon na ang kanyang misis ay kandidato sa pagka-Barangay Captain sa isang lugar sa Calbayog City at nakatatanggap din ng harassment.

Sumulat din daw agad-agad si Mayor Aquino sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa kanilang nararanasan na harassment pero walang ginawang aksyon ang ahensiya.

At may binitiwan na salita si Mayor Aquino sa press conference na baka dumating ang panahon ay lumaban na sila.

Binanggit din niya na isa sa mga barangay na nakatatanggap ng harassment ay ang Brgy. Capoocan sa City proper.

Sabi pa ng alkalde na siya mismo ay nakararanas ng harassment, paano pa kaya ang maliliit niyang mga kababayan?

Kung pagbabasehan ang mga isiniwalat ni Mayor Aquino sa nasabing press conference ay malinaw na ang dahilan ng pagpatay sa kanya ay pulitika.

Ika nga ni Mang Goriong Barbero pinatahimik na siguro si Mayor Aquino nang mawala ang tinik ng kanyang mga kalabang politiko sa kanilang lugar.

Kung mapapanood ang video ng press conference ni Mayor ­Ronald Aquino ng mga nag-iimbestiga ng pagpatay sa kaniya ay malaking bagay ito para masundan nila kung ano ang motibo at sino ang nasa likod ng krimeng naganap kamakailan.

Sa ganang akin po, sa kabuuang pagkapanood ko ng presscon na yun ni Mayor Aquino tatlong taon na ang nakakaraan ay mukhang napagkaisahan siya mula sa mga kalaban niyang politiko hanggang sa PNP Samar Province.

Kaya dapat lang na hindi na makialam ang PNP sa imbestigasyon kundi ang National Bureau of Investigation (NBI) na lamang ang humawak.

Ay naku! Anong nangyayari sa PNP? Kala ko ba hindi kayo nakikialam sa pulitika?

Paano na ang imahe nyo ngayon? Sunod-sunod na yan na nababalot sa kontrobersiya.

Sayang naman ang suporta sa inyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalaki ng inyong mga sweldo.

Isang taon pa bago ang 2022 presidential elections ay muli na namang nabahiran ng karahasan ang nalalapit na halalan.

Hindi lang si Mayor Aquino ang nagbuwis ng buhay dito pati na rin ang kanyang mga kasama.

Para naman po sa kampo ni Vice Governor Jimboy Tan hindi ko po sinasabing isa po kayo sa suspek sa pagpatay kay Mayor Aquino, pinagbasehan ko lamang po ay ang video ng isinagawang presscon noon sa local media.

SOP po yan sa imbestigasyon ng kaso na kung sino ang binabanggit ng biktima bago pa siya namatay ay dapat maimbitahan at matanong din para makuha ang kanyang panig.

Hindi po maitatago ang video ng press conference dahil mara-ming media po ang nakadalo sa pagsisiwalat ni Mayor Aquino.

Sa PUNA, bukas po ang pahinang ito para sa panig nina Vice Gov. Tan at ng PNP Samar.

Matagal na po nating hangad na magkaroon ng katahimikan tuwing nagkakaroon ng halalan sa ating bansa.

Ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino kaya dapat ‘wag po natin pabayaan na masalaula ito ng ­kapwa natin.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

159

Related posts

Leave a Comment