HUMAN TRAFFICKING SA BI?

NAPAKALAKING katanungan ba ang isyu hinggil sa human trafficking kung mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang gumagawa ng nasabing krimen?

Sigurado akong malaking kuwestiyon na magaganap ang human trafficking sa BI mismo kung ang tatanungin natin ay ang mga taong napakataas ng pagtingin sa naturang ahensiya.

Pokaragat na ‘yan!

Siyempre, kung mga taong malaki ang pagdududa sa BI ang kukunan natin ng opinyon ay pihadong diretsahan nilang sasabihing talamak ang human trafficking sa BI dahil naniniwala silang mayroon talagang mga opisyal at kawani sa BI na kumikita upang isubo sa human trafficking ang mga Filipino na gustong magtrabaho sa ibang bansa bunga ng pangakong napakalaking kita.

Matinding krimen ang human trafficking.

Ngunit, walang pakialam ang ilang nakapuwesto sa pamahalaan kahit mabiktima at magkandaletse-letse ang buhay ng ilan sa ating mga kababayan nang dahil sa human trafficking sapagkat kumikita nang malaki ang ilang opisyal at kawani ng pamahalaan.

Nabanggit ko itong human trafficking dahil umiiral na naman daw ang krimeng ito sa BI.

Ayon sa impormasyong ipinarating sa isang senador, P50,000 ang bayad ng bawat Filipino na gustong-gustong makapagtrabaho sa ibang bansa.

Pokaragat na ‘yan!

Kapag nagbayad daw ng P50,000 ang aplikante, mabilis na makaaalis ito patungo sa ­pagtatrabahuan niyang ­kumpanya, o bahay, sa ibang bansa na siyang inalok at ipinangako ng kumpanya, o tao, na nagrekrut sa kanya.

Ayon sa impormasyon, sa loob mismo ng BI nagbayad, o nagbabayad, ng P50,000 ang bawat aplikante.

Nabanggit din sa impormasyong nakarating sa isang senador, mayroon nang dalawang taon nagaganap sa BI ang human trafficking.

Pokaragat na ‘yan!

Napakalaking halaga ang P50,000 sa mga mahihirap na tao.

Kahit nga sa mga taong kabilang sa middle class ay malaking halaga ang P50,000.

Kaya, sigurado akong ginawa ng mga mahihirap na tao ang lahat ng diskarte, kabilang na marahil ang pangungutang, makalikom lang ng P50,000 upang makapagbayad sa kausap nilang tao sa BI.

Pagkatapos, pagkaraan ng ilang buwan, o higit isang taon, ay malalasap nila ang kalupitan sa kanilang pinasukan.

Pangunahin diyan ay hindi nila natanggap ang malaking sahod na ipinangako sa kanila.

Napakalaking usapin ang malaking sahod, sapagkat ito ang dahilan kung bakit nakumbinsi ang ilan sa mga kababayan natin na magbayad ng P50,000 sa BI makapagtrabaho lang sa ibang bansa.

Binanggit ni BI Commissioner Jaime Morente sa media na handang makipagtulungan ang kanyang ahensiya kung ituloy ng Senado ang imbestigasyon hinggil sa human trafficking sa BI.

Hindi na bago ito kay Morente.

Ilang ulit nang ­nakipagtulungan sa Senado si Morente at iba pa sa BI mula noong ang isyu ay tungkol sa ­dalawang opisyal ng BI na natanggal sa puwesto dahil sa P50 ­milyong kinolektang suhol sa kampo ng negosyanteng si Jack Lam.

Isinalarawan si Lam sa media na Chinese gambling tycoon na nakabase sa Macau.

Hindi rin ipinagdamot ni Morente ang kanyang oras at panahon sa Senado nang imbestigahan ang P40 bilyong ‘industriya’ tungkol sa visa – upon – arrival (VUA) at non-VUA na pinatakbo ng sindikatong Pastillas na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang nasangkot dito ay ilang mga opisyal at ilang mga kawani ng BI na nakadestino sa NAIA.

Ang napabalitang bagong raket sa pagpasok ng bawat isang Chinese sa Pilipinas nang walang aberya basta P550,000 umano ang bayad sa ‘sindikato’ sa BI ay hindi pa iniimbestigahan sa Senado.

Ang National Bureau of Investigation (NBI) pa lang ang nagsimulang mag-imbestiga sa anomalya, alinsunod sa direktiba ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

Sumulpot ito nang ‘ipapatay’ ang P10,000 singilan kada isang ulo ng dayuhan, lalo na ang mga Chinese, na papasok sa bansa nang walang VUA.

Ang totoo, hindi pa tuluyang sarado ang krimeng isinampa laban sa mga opisyal at kawani ng BI na sangkot sa sindikato ng Pastillas dahil wala pang desisyon ang Office of the Ombudsman tungkol dito.

Hindi pa rin natumbok sa imbestigasyon ng NBI kung sinu-sino ang mga opisyal at kawani ng BI na parte naman ng pangkat na P550,000 sinisingil mula sa bawat isang Chinese na papasok sa bansa.

Tapos, biglang nabunyag sa media ang human trafficking na dalawang taon na umanong nagaganap sa BI.

Pokaragat na ‘yan!

Ibig sabihin ba nito, magkakasunod, o magkakasabay na nagaganap ang korapsiyon sa BI?

Pokaragat na ‘yan.

Bantayan natin ang BI.

Baka ilang araw, o linggo, o buwan mula ngayon ay mayroon na namang iba pang uri ng korapsyong nagaganap sa BI.

489

Related posts

Leave a Comment