NCRPO, LGUs lalong naghigpit METRO MANILA COVID HIGH RISK

PINAG-IBAYO pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at 17 local government units (LGUs) ang mahigpit na pagpapatupad sa health protocols sa Metro Manila makaraang ideklara itong “high risk” ng Department of Health (DOH).

Tiniyak ni NCRPO director, Major General Vicente Danao Jr. at ng Metro Manila Council (MMC) na ang MM LGUs ay titiyaking lahat ng mamamayan sa kanilang nasasakupan ay susundin ang health protocols laban sa COVID-19.

Idineklara ang NCR bilang isang “high risk” region ng DOH noong Miyerkoles ng hapon dahil lumobo ang mga kaso ng COVID-19 sa higit 200 porsyento sa mga lungsod ng Pasay at Malabon, pahayag ni Dr. Alethea de Guzman, opisyal sa DOH.

Nababahala ang DOH na posibleng kumalat pa ito sa kalapit na mga lungsod, dahilan upang isailalim na sa high risk ang Metro Manila.

Sa kabilang dako, inilagay muna ng DOH sa “kritikal” na kondisyon ang Muntinlupa, Parañaque, Mandaluyong, Marikina, Caloocan, Quezon City, San Juan at Pasig dahil hindi kapareho sa Pasay at Malabon ang bilang ng itinaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga lungsod na ito.

Sa huling ulat ng DOH noong Miyekoles ng hapon, pumalo sa 6,666 katao ang nadagdag sa mga kaso ng COVID-19 habang ang kabuuang bilang ng mga kaso sa buong bansa ay umabot na sa 684,311.

Mas matindi ang “peak” sa lahat ng parte ng metropolis sa kasalukuyan kaysa nakaraang taon, patuloy ni De Guzman. (MARINHEL T. BADILLA)

380

Related posts

Leave a Comment