HINDI ako maka-oposisyon at hindi ako naniniwala na mananalo ang oposisyon sa 2022 elections dahil wala silang matibay na lider at wala silang pagkakaisa dahil yung mga dati nilang mga kaalyado sumampa na sa barko ng administrasyon noong 2016 pa.
Kahit nga yung mga miyembro ng Liberal Party (LP) sa Kongreso na dapat sana nagsilbing check and balance ay kaalyado ngayon ng administrasyon kaya hindi ko sila matatawag na oposisyon.
May ilan naman sa LP na nasa minority bloc pero kung magsipag-asta ay para silang miyembro ng majority bloc kaya tingin ko walang oposisyon sa Kongreso maliban siguro sa mga militanteng mambabatas.
Ngayon ay pinararatangan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga pulitiko na may ambisyon sa 2022 elections dahil sa paninira daw sa programa ng kanilang administrasyon laban sa COVID-19.
Sabi ni Mang Harry: Kung may natitira pang konsensya yung mga desperadong manalo ay sana po ay tumulong na lang sila, magbigay ng solusyon sa problemang ito kaysa pinagsasamantalahan nila ang pandemya para sa kanilang selfish political gains”.
Mukhang naging irasyonal na ang katuwiran ni Mang Harry dahil isinisisi na sa ambisyon ng ilang pulitiko ang mga inaabot nilang bigwas dahil sa kapalpakan ng gobyerno na tugunan ang problema sa COVID-19 na lalo pa lumala pagkatapos ng isang taon.
Hindi ba niya alam na kung meron mang naghahanda na para sa 2022 elections ay ang kanilang mga mismong kaalyado at gumagastos na sila para sa kanilang presidensyal na ambisyon?
Habang nagpatupad ng lockdown sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna, ay nagmomotorcade ang mga supporters ni Davao City Mayor Sara Duterte sa Pampanga para hikayatin kuno ito na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022.
May isa namang senador na tila nag-aambisyon talaga na palitan si Pangulong Duterte sa Malacañang kaya kahit nilimitahan ang kilos ng mga tao ay panay ang biyahe niya sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at mamigay ng kung anu-anong tulong sa mga taong naapektuhan daw ng kalamidad noong nakaraang taon.
Isang senador din na kaalyado din ng administrasyon ang handa na sa pagkatakbo kaya nagpagawa na ito ng kanta na gagamitin niya bilang kanyang jingle sa sandaling magsimula na ang pangangampanya.
Handa na rin ang kanyang mga political advertisement dahil natapos na ang shooting pero hindi pa niya puwedeng ilabas dahil hindi pa panahon ng kampanya kaya nakatago muna.
Sila ang may matibay na ambisyon sa 2022 kaya sa tingin ng marami, wala na sa hulog ang mga katuwiran ni Mang Harry para lang pagtakpan ang kapalpakan ng administrasyon sa paglaban sa COVID-19.
Sigurado din na nababasa ni Mang Harry ang mga reaksyon ng mga tao sa paglala pa ng problema pero hindi mga pulitiko ito ha. Nagmumura na ang mga tao eh. Sila ba ay taga-oposisyon? Hindi dahil kung sa dami ng galit na eh mataas ang rating ng isang taga-oposisyon kahit malamyang magsalita at panay lang depensa ang ginagawa.
Dapat din ipaalala sa Malacañang na marami ang nagbibigay ng solusyon para resolbahin ang problema kahit isa, wala silang pinakinggan.
Wala silang sinunod na payo at sinolo ang problema. Anong resulta? Lalo tayong nalugmok sa mabigat na problema.
159
