TULAK PATAY, 22 PA DINAMPOT SA CAVITE

CAVITE – Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, habang 22 iba pa ang arestado at anim na motorsiklo ang kinumpiska sa isinagawang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito.

Kinilala ang napatay na si Luisito Pineda, 33. Ayon sa ulat, dakong alas-11:45 noong Miyerkoles ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang Naic Police sa Brgy. Ibayo, kung saan nakipagtransaksiyon ang suspek at kasama nitong si Rizaldy Pelina, sa isang poseur buyer.

Sa kalagitnaan ng transaksyon, nahalata ng suspek na pulis ang kanyang kausap dahilan upang magpaputok ng baril ngunit gumanti ng putok ang awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ni Pineda habang nakatakas si Pelina.

Samantala, nabatid sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (PPO) umabot 22 hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang binitbit sa isinagawang buy-bust operation mula alas-2:00 noong Miyerkoles ng hapon hanggang alas-2:20 ng madaling araw nitong Huwebes sa apat na lungsod at pitong bayan ng nasabing lalawigan.

Nanguna sa listahan ng may pinakamaraming tulak na inaresto ang bayan ng Tanza (5); sumunod ang Dasmariñas City (3), tig-2 ang Cavite City, Alfonso, Kawit, Imus City at General Mariano Alvarez (GMA), habang tig-isa ang Trece Martires City, Ternate, Carmona at Imus City.

Samantala, tinatayang P185,000 halaga ng hinihinalang shabu at marijuana ang nakumpiska sa arestadong messenger na si Roseldom Mojo, 37, sa buy-bust operation sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City dakong alas-10:30 noong Miyerkoles ng gabi.

Bukod sa droga, kinumpiska rin kay Mojo ang isang .38 kalibreng baril at anim na motorsiklo, kabilang ang isang Suzuki Raider, dalawang Yamaha Mio, isang Honda Click at isang Suzuki Smash dahil walang naipakitang mga dokumento at walang plate number. (SIGFRED ADSUARA)

215

Related posts

Leave a Comment