IMPORTED MEAT, SURIIN DIN SA COVID-19

HINIMOK ni Senador Grace Poe ang Department of Agriculture (DA) na tiyaking hindi kontaminado ng COVID-19 ang mga pumapasok na imported na karne ng baboy.

Sa gitna ito ng pagpapalabas ng executive order na nagtataas ng maximum allowable volume ng importasyon ng karne at pagbaba ng taripa.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, pinakumpirma ni Poe sa Department of Agriculture ang ulat na namamalagi rin ang COVID 19 virus sa frozen meat.

“May tanong po ako, siyempre ang ating pinag-uusapan ngayon ay tungkol ho dito sa ASF pero napabalitaan din at sa mga nakalap nating mga pag-aaral na ang COVID-19 virus actually ay pwedeng mamalagi sa frozen meat katulad halimbawa ng chicken, pork at kahit na mga isda. Pwede po bang ma-clarify ito at ma-esplika ng ating butihing kalihim?” pahayag ni Poe.

Ayon naman kay Dr. Reildrin Morales ng DA, “this is actually one of the reasons why we ban the importation of chicken from Brazil last year because of the findings of China that the cartons have or positive for COVID-19.”

Aminado rin si Morales na sa ngayon ay wala silang kakayahang suriin kung kontaminado sa COVID-19 ang mga karne.

“Kasi, unang-una, nagte-test tayo para sa African Swine Flu na napakahalaga kasi nga apektado dito ang ating mga local hograisers pero importante rin ang COVID kasi andito tayo, ginagawa natin ang lahat ng precautions natin. Mask, tapos nagface shield pa tayo pero wala pa pala kayong kapabilidad para itest ang mga pumapasok para sa possible COVID contamination? So at this point, you have no capability to test for any COVID contaminated-meat products?” diin pa ni Poe.

“Mr. Secretary, ang gusto ko lang sabihin dito sa lahat ng tinanong ko, pinakaimportante na ma-test din natin for COVID ang mga pumapasok na karne kasi aside from ASF na mapapatay ang ating alagang hayop, ito naman makakaaapekto rin sa tao so hindi pupuwedeng baka sa susunod na linggo na ‘yan,” hikayat pa ni Poe sa DA. (DANG SAMSON-GARCIA)

238

Related posts

Leave a Comment