MAY patalastas si Taguig – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na lumalabas sa telebisyon tungkol sa P10,000 ayuda.
Ang punto ng patalastas ay kagyat na pag-ukulan ng pansin ng Kamara de Representantes ang panukala niyang P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Filipino.
Ilang araw na ang nakalipas, nagpalabas ng press release si Cayetano kung saan iniyabang nito na nagbigay ang kanyang pangkat ng P10,000 sa 200 manggagawa sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Pokaragat na ‘yan!
Si Cayetano po ay kinatawan ng unang distrito ng Lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros sa Kamara.
Hindi siya inihalal ng mga botante ng buong Pilipinas upang maging kongresista.
Mayorya lamang ng unang distrito ng Taguig at Pateros ang naghalal sa kanya laban sa ‘di kilalang politiko.
Kaya, kung totoong namigay si Cayetano ng P10,000 kada isang manggagawa sa napili niyang 200 manggagawa mula sa iba’t ibang parte ng ating bansa ay hindi kahanga-hanga ang ginawa niyang ito.
Hindi tayo ipinanganak kahapon upang hindi maintindihan na mistulang nangangampanya si Cayetano sa kanyang pakulo.
Hindi pulpol ang utak natin upang hindi maarok ang kahulugan at layunin ng patalastas ni Cayetano hinggil sa P10,000.
Kung totoong mahal na mahal at nagmamalasakit nang todo si Representative Alan Peter Cayetano sa mga mahihirap na pamilya, unahin niyang bigyan ang mga naninirahan sa unang distrito ng Taguig at Pateros.
Isama na rin niyang bigyan ng ayuda ang mga residente ng ikalawang distrito ng Taguig na ang kongresista ay ang asawa niyang si Rep. Ma. Laarni “Lani” Cayetano.
Hindi sapat ang ayudang ipinamahagi ng administrasyon ng kapatid ni Rep. Cayetano na si Mayor Lino Edgar Cayetano noong nakaraang taon at kamakailan.
Noon ngang nakalipas na taon, napakaraming mahihirap na mga pamilya ang hindi nakatanggap ng ayuda ni Mayor Cayetano.
Hindi lahat nabigyan, taliwas sa iwinasiwas ng alkalde na lahat mabibigyan ng ayuda kahit bagong salta sa Taguig.
Akala ng mga residente ng Taguig, totoo ang pahayag ni Lino dahil speaker ng Kamara ang kanyang Kuya Alan.
Hindi rin nagparating ng tulong ang mag-asawang kongresistang Cayetano.
At higit sa lahat, habang speaker si Alan ay hindi niya isinulong ang P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Filipino.
Nagkasya si Cayetano sa P5,000 hanggang P8,000 ayuda bawat sobra – sobrang mahihirap na mga pamilyang Filipino.
Hindi patas ang ayudang ‘yan.
Pawang mga kapus – palad lang sa Metro Manila ang nakatikim ng P8,000, samantalang ang pinakamarami na matatagpuan mula tuktok ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao ay P5,000 lang.
Napakaraming Filipino ang nadismaya nang todo, kabilang ang napakaraming mahihirap sa Taguig at Pateros.
Tapos ngayon, itinambol ni Cayetano sa kanyang press release ang ayudang P10,000 – na kesyo namahagi ang kanyang kampo ng ganyang halaga sa bawat isa sa 200 manggagawa sa buong bansa.
Pokaragat na ‘yan!
Susog ito sa kanyang patalastas na nagsasabi sa mga Filipino na gustong bigyan ni Cayetano ng P10,000 bawat pamilyang Filipino, ngunit hindi umaaksyon ang liderato ng Kamara, sa
pangunguna ni Speaker Lord Allan Jay Velasco.
Pokaragat na ‘yan!
Kung ayaw pansinin ni Velasco ang kyut na ideya ni Cayetano, pabayaan na ng dating speaker ang kasalukuyang speaker.
Kumilos na lang si Cayetano at ang kanyang asawa para sa lahat ng pamilya sa Taguig at Pateros.
Unahin muna ni Cayetano ang mga residente ng Taguig at Pateros kaysa iba.
Balita ko, isa ang Taguig – Pateros sa nabigyan ng pinakamalaking pondo para sa 2020 at 2021 dahil speaker pa ng Kamara si Cayetano ng ipinasa ang badyet ng pambansang pamahalaan.
Ang bilyun – bilyong badyet ay alokasyon sa tinatawag na “hard” at “soft” projects ng bawat kongresista, tulad ng mag-asawang Cayetano.
Isa sa mga halimbawa ng hard project ay ang pagpapagawa ng kalsada.
Ang soft project naman ay scholarship program sa mga estudyante at programang pangkalusugan.
Tama lang ituloy ang scholarship program.
Mungkahi ko, palawakin pa ito upang higit na maraming magulang ang matulungan sa pag-aaral ng kani-kanilang mga anak hanggang kolehiyo.
Sa larangan ng kalusugan, palakasin at palawakin ang serbisyo ng bawat barangay sa mga senior citizen, buntis at mayroong mga kapansanan (persons with disabilities).
Siyempre, magandang paunlarin din ang mga kalsada, pero hindi ito ang dapat unahin at atupagin sa panahong sobrang lala ng pag-atake ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Unahin at bigyan ng kaukulang atensiyon ang buhay ng mga salat sa buhay.
Sikmura at buhay ng mga namamasukan sa mga pribadong kumpanya at mga walang trabaho kaysa kalsada ang unahin at atupagin, sapagkat higit na mahalaga ang mga manggagawa kaysa ang mga kalye.
Kaya, unahin ni Rep. Alan Peter Cayetano na bigyan ng P10,000 ang bawat pamilya sa Taguig at Pateros.
148 