ONLINE INFORMATION CENTER SA MGA PRODUKTO, PINABUBUO

ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang panukala sa pagtatayo ng Product Safety Online Information Center para bumuo ng website sa safe information sa mga consumer product at motor vehicles.
Kasama sa lalamanin ng online information center ang pagrecall, pagbabawal, pagba-ban, mga depekto at iba pang safety information sa mga produkto.
“Karapatan ng bawat consumer sa ating bansa na maprotektahan sila mula sa mga produkto na hindi maayos ang pagkakagawa o kaya naman ay naglalaman ng mga delikado o hazardous components. Mapapaigting ang proteksyong ito para sa mga consumer kung mabibigyan sila ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng kumpletong impormasyon kaugnay sa product safety lalo na kung ang nasabing produkto ay nirecall, pinagbabawal o napatunayang sira at hindi ligtas gamitin. Ang mga impormasyong ito ang syang layuning mailagay sa online information center na aking pinapanukala,” paliwanag ni Lapid.
Layun ng Senate Bill 2144 na palakasin ang information dissemination at consumer education ng regulatory bodies at agencies.
Batay sa panukala ang online information center ay pamamahalaan ng Department of health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) kung ang pag-uusapan ay pagkain, gamot, cosmetics, devices at iba pang substances.
Ang Department of Agriculture (DA) at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) naman para sa mga produktong may kinalaman sa agrikultura habang ang Land Transportation Office (LTO) sa motor vehicles at ang Department of Trade and Industry (DTI) sa iba pang consumer products.
Katuwang ng mga ahensya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa setting up at maintenance ng website at ng support infrastructure.
“Sa pamamagitan ng isinusulong nating Product Safety Online Information Center, hindi na kailangan pang magpakahirap ng mga consumer na hanapin ang mga impormasyong kaugnay sa iba’t ibang produkto sa pamamagitan ng pagtingin sa mga website ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama na rin ang mga website ng mga manufacturers, retailers at distributors. Mahalagang may iisang website na maglalaman ng mga impormasyong magbibigay ng warning kung delikado ba o hindi na dapat gamitin pa ang isang produkto,” diin pa ni Lapid. (DANG SAMSON-GARCIA)
328

Related posts

Leave a Comment