MARAHIL nagsimula na ang Anti – Red Tape Authority (ARTA) sa pagtanggap sa mga paliwanag ng Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa reklamong pagkaantala ng mahigit 600 aplikasyon ng iba’t ibang kumpanya upang maibenta na sa mga palengke ang kanilang mga produkto.
Kasama sa mga aplikasyon ay isinumite pa ng mga kumpanya noong 2014.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi pa si Rodrigo Duterte ang pangulo ng Pilipinas n’yan.
Hindi pa si Undersecretary Rolando Enrique “Eric” Domingo ang administrador ng FDA n’yan.
Nang nabunyag sa media ang aksyon ng ARTA hinggil sa mahigit 600 nakabinbing aplikasyon ng mga kumpanya sa FDA ay hindi itinanggi at hindi pinagtakpan ni Domingo ang kapalpakan ng FDA.
Sabi pa nga ni Domingo, nang italaga siyang administrador ng FDA noong 2019 ay nakarating na sa kanyang atensyon na napakarami ngang nakabinbing mga aplikasyon ng permit at renewal ng mga permit sa Center for Drug Regulation and Research (CDRR) ng FDA.
Kaya, ang ginawa raw ni Domingo ay inutusan niya ang pamunuan ng CRRD na asikasuhin at lutasin ang problema.
Nabawasan ang bilang ng mga aplikasyon.
Ngayong 2021, mahigit 600 na lang ang hindi pa inaaprubahan ng FDA, ayon sa reklamo sa ARTA.
Hindi maitatanggi ninuman na sobrang laki ng mahigit 600 aplikasyon at renewal ng mga permit kung saan marami rito ay noon pang 2014.
Kaya, madaling sabihing makupad ang mga opisyal ng FDA, partikular ang CRRD na pinamumunuan ni Director Jesusa Cirunay.
Pokaragat na ‘yan! Jesusa pa man din ang pangalan.
Paniyak, kay Jesus kinuha ang pangalan ni Cirunay.
Napakaganda man ng pangalan ni Jesusa Cirunay dahil nagmula ito sa pangalan ng anak ng Panginoong Diyos ay hindi nagdalawang isip ang ARTA na pinamumunuan ni Jeremiah Belgica na pagpaliwanagin ang naturang opisyal ng FDA – CRRD hinggil sa maraming reklamo.
ARTA ang nagpatawag dahil ang reklamo ay “posibleng” may kinalaman sa red – tape.
Malalaman din ba ng ARTA kung mayroong katiwalian at korapsyong umiiral sa FDA dahil sa sobrang pagkaantala sa pag-apruba nito sa mga permit ng napakaraming kumpanya?
Naitanong ko ang isyung ito, sapagkat sa aking pagkakatanda ay mayroong katiwalian at korapsyon sa FDA.
Mayroong mga opisyal ang natanggal sa FDA dahil sa isyu ng katiwalian at korapsyon.
Siyempre, tahasang itinanggi ng mga nasibak na sangkot sila sa katiwalian at korapsyon sa FDA.
Hindi naman nakapagtatakang tumanggi sila sa akusasyon dahil iyon ngang mga senador at kongresista ay labis – labis ang pagtangging sangkot sila sa katiwalian, korapsyon, lalo na sa pandarambong na P50 milyon pataas ang kinurakot na pera ng pamahalaan.
Pokaragat na ‘yan!
Mayroon akong pamangkin na bata pa noong nagsimulang magtrabaho sa FDA.
Hindi siya nagtagal sa FDA dahil hindi niya matanggap at hindi niya masikmura ang talamak na katiwalian at korapsyon sa nasabing ahensiya.
Umalis at iniwan ng pamangkin ko ang FDA hanggang matagpuan niya ang trabahong walang korapsyon.
Bihirang mabanggit ang FDA sa mga balita.
Ngayong matindi ang problema natin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) madalas mabalita ang FDA dahil sa estratehikong papel nito sa bakunang ipantuturok sa mamamayan laban sa nasabing sakit.
Bihirang nababalita sa media na sangkot ang FDA sa korapsyon.
Hindi ‘yan kaparis ng Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Bureau of Correction (BuCor), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation and franchising Regulatory Board (LTFRB), Philippine health Insurance Corporation (Philhealth) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na madalas madawit sa katiwalian at korapsyon.
Hindi pa rin iniimbestigahan ng Presidential Anti – Corruption Commission (PACC) ang FDA.
Hindi pa rin ito isinalang at binusisi sa Blue Ribbon Committee ng Senado.
Maging ang Kamara de Representantes ay hindi rin nagtangkang halukayin ang FDA upang malaman kung totoong mayroon korapsyon sa nasabing ahensiya, o wala.
Pokaragat na ‘yan!
Mungkahi ko, kumilos si Anakalusugan Representative Michael “Mike” Defensor upang magsagawa ng imbestigasyon laban sa FDA.
Tamang – tama, si Defensor ang kinatawan ng mamamayang Filipino sa mababang kapulungan ng Ika – 18 Kongreso para sa kalusugan.
Kaya, wasto lamang na umaksyon si Defensor laban sa FDA.
Maaaring pasimulan ng kongresista ang mahigit 600 permit ang hindi pa inaaprubahan ng FDA hanggang kasalukuyan kung saan – uulitin ko – marami sa nasabing inaplay na permit at renewal ng permit ay noong 2014 pa nakabinbin sa FDA.
Ang pagkakabinbin ng mahigit 600 aplikasyon at renewal ng permit ay pagpapakitang abusado at pabaya ang FDA sa trabaho, tungkulin at obligasyon nito sa publiko, sa pangkalahatan, at sa mga kliyente nito, sa partikular.
Hindi nga inatrasan at kinatakutan ni Defensor na busisiin at ilantad ang mga kamalian at paglabag ng ABS-CBN Corporation sa maraming batas ng ating bansa, samantalang maraming takot at duwag sa ABS-CBN dahil makapangyarihang media company ito ng pamilya Lopez, ito pa kayang FDA na isa sa mga ahensiya ng pamahalaan ang kakatakutan at aatrasan ng nasabing kongresista?
Hindi nga napigilan si Defensor kahit ng noo’y Speaker Alan Peter Cayetano ang mga boss ng ABS-CBN, kabilang na si Eugenio Gabriel “Gabby” Lopez III, magpapahadlang pa kaya si Defensor kay Speaker Lord Allan Jay Velasco upang komprontahin sina Eric Domingo at Jesusa Cirunay ng FDA?
Kapag kumilos si Mike Defensor, patunayan nina Domingo at Cirunay na walang korapsyon sa FDA!
449 