DRUG WAR RECORDS NG PNP BUBUKSAN SA DOJ

UPANG ipakita ng Philippine National Police na seryoso silang makipagtulungan sa Department of Justice sa isasagawang imbestigasyon hinggil sa inilunsad na war on drugs ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, handa nilang buksan ang kanilang drug war records.

Ayon sa pamunuan ng PNP, handa silang bigyan ng full access ang DOJ sa kanilang records ng lahat ng mga imbestigasyon laban sa mga pulis sa kanilang drug war campaign simula taong 2016.

“As long as the DOJ requested for the availability of this, we will provide them with this information,” ani PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar.

Una nang inihayag ni Gen. Eleazar na nakatakdang lumagda ang PNP at DOJ sa isang kasunduan kaugnay sa police cooperation sa isasagawang imbestigasyon ng kagawaran hinggil sa EJKs o extra judicial killings.

Pahayag ni P/Gen. Eleazar hinggil sa layunin ng paglagda sa kasunduan, “convey our sincere intention to cooperate in the investigation of so-called extrajudicial killings in the war on drugs”.

“I assure our good Justice Secretary that the PNP has no tolerance for rogues, including those who may have committed unjustified killings in the course of anti-illegal drug operations, and that we are serious in cleansing our ranks,” dagdag pa nito.

Magugunitang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pinagkalooban ng access ng PNP ang kanyang ahensiya sa 61 cases kung saan nakitaan ng PNP Internal Affairs Services ng administrative and criminal liability ang law enforcers.

Subalit sinasabing ang 61 cases ay kumakatawan sa wala pang 1 percent ng mahigit 7,000 kaso ng pagkamatay habang isinasagawa ang police drug operations, base sa official government figures. Habang ayon sa Human rights group ay mahigit pa rito ang tunay na bilang.

Sinabi pa ng heneral, ang nasabing pagtutulungan ng DOJ at PNP ay isang magandang hakbang upang mabura ang mga alegasyon na itinatago nila ang kanilang files. (JESSE KABEL)

231

Related posts

Leave a Comment