ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang panukala para sa pagtatayo ng Philippine Entrepreneurs Academy sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED).
Sinabi ni Lapid na napapanahon na ang akademya dahil nagsisilbing backbone ng ekonomiya ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs)
Noong 2019, batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa kabuuang 1,000,506 na business enterprises, 995,745 o 99.5% ang MSMEs na nagkaloob ng 5,510,760 trabaho o 62.4% ng total employment.
“Maituturing na backbone at mahalagang pundasyon ng ating ekonomiya lalo na sa gitna ng pagsubok na dala ng pandemya, ang mga MSMEs. Bukod sa pagpapalakas ng ekonomiya, malak din ang ambag ng mga MSMEs para sa pagbigay ng trabaho sa ating mga kababayan.
Dahil sa laki ng tulong ng MSMEs sa ating mga kababayan at sa ating ekonomiya, mainam na magkaroon ng isang paaralan na tatawaging Philippine Entrepreneurs Academy para sa suporta at pagpapaunlad sa sektor na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng pormal na edukasyon sa ating mga kababayan at mga kabataan na pangarap na magsimula rin ng negosyo, maliit man o malaki,” diin ni Lapid.
Sa pamamagitan ng akademya, maipo-formalize at ma-iintegrate sa ilalim ng school system, ang non-formal entrepreneurship programs at short-term, technical-vocational courses ng TESDA, DTI, DOST at iba ahensya.
Bukas din ang Philippine Entrepreneurs Academy para sa undergraduate at graduate degree programs gayundin sa short-term diploma o certificate courses sa entrepreneurship, kabilang na ang entrepreneurship development sa agriculture, trade, technology, at the manufacturing sector.
Alinsunod sa panukala, dalawang campus ang itatayo na ang main campus ay sa Clark Freeport and Special Economic Zone at ang isa ay sa Baguio City.
“Batid nating madiskarte ang mga Pinoy at marami na rin tayong narinig na kwento ng mga kababayan nating napalago ang kanilang negosyo dahil sa sipag, talino, at tiyaga. Gayunman, sa panukala nating magpatayo ng isang Entrepreneurs Academy, binibigyan natin ng institusyunalisadong oportunidad ang mga kababayan natin para mas matuto sa pagnenegosyo at mas seguruhin ang daan tungo sa tagumpay ng kanilang binuo o bubuuin pa lamang na business. Sisiguruhin nating bukas ang Academy para sa lahat ng gustong matuto magnegosyo, anumang edad o estado sa buhay,” diin ni Lapid. (DANG SAMSON-GARCIA)
147 