TINIYAK ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na unti-unti nang makababangon ang ekonomiya ng bansa dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa buong kapuluan.
Pahayag ito ni Lopez sa isinagawang Safety Seal Ceremonial Awarding noong Hunyo 5, 2021 sa SM City North EDSA.
Sa pananalita ni Lopez, ang nasabing okasyon ay pagbibigay ng Safety Seal stickers sa iba’t ibang outlet na nagnenegosyo sa loob ng SM North EDSA, Quezon City.
Anya, ang layunin ng Safety Seal ay para masiguro ng gobyerno na sumusunod ang mga negosyante sa tinatawag na minimum health protocol na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sinabi pa niya na hindi lamang ito para sa kaligtasan ng mga customer kundi makatutulong din sa unti-unting pagbangon ng mga negosyo mula sa epekto ng pandemya ng COVID-19, isang taon na ang nakalilipas.
Sa kasalukuyan, ang mga outlet sa loob ng nasabing mall ay nasa 80% nang may Safety Seal at ang iba naman ay unti-unti na ring sinisikap na magkaroon sila.
Kasabay nito, inihayag din ni Lopez na ngayong Lunes ay sisimulan ang pagbabakuna sa A4 group na pinakamaraming sektor sa lipunan. (JOEL O. AMONGO)
