LAGUNA – Tumiwalag sa kilusang komunista ang halos 500 miyembro ng iba’t ibang organisasyon mula sa sektor ng kababaihan, manggagawa at maralita, sa pamamagitan ng pagsunog ng bandila ng CPP-NPA-NDF at panunumpa ng katapatan at pagpirma ng kasulatang pagkapayapaan noong Sabado, Araw ng Kalayaan, sa bayan ng Sta. Rosa sa lalawigang ito.
Sinunog ang bandila ng CPP-NPA-NDF kasabay ang pagkondena ng 352 miyembro ng Anak PAwis (Sta. Rosa Chapter), 77 miyembro ng Sun Logistics Worker’s Union-OLALIA-KMU, at 57 miyembro ng Gabriela (Sta. Rosa Chapter), sa mga karumaldumal na gawain ng makakaliwang grupo.
Sa idinaos na simpleng programa, nagbigay ang mga ito ng kani-kanilang testimonya kung paano sila nilinlang at pinagsamantalahan ng kilusan.
Lubos din ang kanilang pagsisisi dahil sa hirap na kanilang pinagdaanan bilang kasapi ng komunista.
Sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan, militar at pulisya, lumagda ang mga tumiwalag sa kilusan, sa kasunduan bilang patunay ng kanilang muling pagsuporta sa mga programa ng gobyerno.
Taos-puso rin ang kanilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng gobyerno upang maging katuwang sa gawaing pangkapayapaan at pangkaunlaran.
Sinabi ni BGen. Alex Rillera, commander ng 202nd Infantry Brigade, “Ang inyong pagsuko ay isang malaking oportunidad upang kayo ay muling makapagbagong buhay na malayo sa karahasan at kaguluhan gaya nang paulit-ulit na ginagawa ng CPP-NPA-NDF na pagpatay sa mga walang kalaban-labang sibilyan at panununog ng mga kagamitang pang-imprastraktura at marami pang iba.” (CYRILL QUILO)
676 