NAPATAY sa gun buy-bust operation nang manlaban sa mga tauhan ni PNP-PRO5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo, ang umano’y notoryus na gang member sa Phase 2, Camagong, Oas, Albay.
Kinilala ni P/BGen. Estomo ang napatay na si Rickson Sanchez alyas “Tikboy,” ng Brgy. Linao, Libon, Albay.
Napag-alaman, noong Sabado, Hunyo 12, dakong alas-7:00 ng umaga, sa Phase 2, Camagong, Oas, Albay ang mga operatiba mula sa 1st APFMC at PIU Albay PPO, sa pangunguna ni P/Maj. Jerald Jhon Villafuerte, ay nagsagawa ng gun buy-bust operation base sa impormasyon na nakalap ng Albay MPS mula sa isang impormante.
Ayon sa ulat, ang suspek ay hardcore member ng Concepcion criminal gang na nag-o-operate sa Bicol Region, Calabarzon at Manila area.
Gayundin, ang suspek ay itinuturing na armed and dangerous dahil sa pagkakasangkot sa serye ng illegal transactions ng mga armas, robbery/ hold-up, gun for hire, carnapping at motor-napping.
Napag-alaman, nagkasundo ang suspek at ang poseur buyer sa halagang P10,000 kapalit ng ilegal na baril ngunit nakatunog ito na awtoridad ang poseur buyer kaya bumunot ng baril at nagpaputok.
Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad na naging dahilan ng pagkamatay ng suspek. (JESSE KABEL)
190 