MAS mabuti ang namumulitika na may ginagawa kaysa namumulitika nang nganga.
Ito ang tugon ni Taguig Congressman Alan Peter Cayetano sa mga kumukwestyon sa pamamahagi niya ng tulong kasama ang ilang kaalyado sa mababang kapulungan.
Inaakusahan ang dating House Speaker na namumulitika dahil sa kanyang pag-iikot para mamigay ng P10K ayuda sa ilalim ng programang “Sampung Libong Pag-Asa” kasama ang mga kagrupo na tinaguriang BTS ng Kongreso.
Layon ng BTS powerful group ng Kongreso na makarating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nilalaman ng inihain nilang P10K Ayuda Bill na siyang bubuhay sa mga negosyong maliliit na ikinabubuhay ng mahihirap nating kababayan.
Umaasa si Cayetano na bago o matapos ang SONA ng pangulo ay mapag-uusapan ang 10K Ayuda Bill at malaki ang pag-asa ng BTS group na sasang-ayon dito ang Malacanang.
Samantala, sa pagpapatuloy na kampanya para sa “Sampung Libong Pag-Asa”, namahagi ang dating Speaker ng P10,000 ayuda bawat isa sa 500 benepisyaryo sa lalawigan ng Cavite kamakalawa bago gunitain ang Araw ng Kalayaan upang ipakita kung paano makatutulong ang direktang ayuda sa pagbangon ng pamilyang Filipino sa panahon ng pandemya.
Ang “Sampung Libong Pag-asa” ay bahagi ng adbokasiya ni Cayetano at ng kanyang economic recovery plan upang mabigyan ang pamilyang Filipino ng tulong na salapi na maaari nilang gamitin pambili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan at buhayin ang kanilang maliliit na negosyo.
Tinatayang umaabot na sa 2,000 Filipino ang natulungan ng programang ito at karamihan sa kanila ay ginamit na ang nakuhang salapi upang makabangon ang kanilang negosyo. (CESAR BARQUILLA)
187 