Para sa medical frontliners ‘WALL OF HEROES’ ITINATAYO NA

INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mayroon nang itinatayo na “wall of heroes” sa Libingan ng mga Bayani.

Ibinalita ito ng pangulo nang kanyang pangunahan ang pagdiriwang ng ika-123 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Philippine Independence na may temang

“Kalayaan 2021: Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan’ sa Malolos City, Bulacan.

Ayon sa pangulo, pumayag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magtayo ng “wall of heroes” sa Libingan ng mga Bayani.

Ang lahat aniya ng mga namatay na doktor at nurses, attendants na nahawa ng COVID-19 ay pararangalan sa pamamagitan ng paglalagay ng pangalan ng mga ito sa wall.

“It is now being built. And i would like to thank the Armed Forces of the Philippines for their “pagmalasakit” sa kapwa Filipino,” ayon sa pangulo.

Hinikayat din nito ang mamamayang Filipino na dakilain ang “modern day heroes” gaya ng healthcare workers, law enforcement officers at iba pang frontliners na naging instrumental sa paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Sa nakalipas na taon, isinakripisyo ng mga ito ang kanilang buhay at seguridad upang matiyak na ang lipunan ay patuloy na gumagana sa kabila ng Covid crisis.

Sa pagdalo ng pangulo sa paggunita sa Araw ng Kalayaan ay binigyang pugay nito ang mga bayaning sina General Gregorio Del Pilar at Marcelo H. Del Pilar.

Kasama ng Pangulo na nakiisa sa nasabing pagdiriwang sina Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Senator Christopher “Bong” Go, chief General Cirilito Sobejana, Philippine National Police chief Guillermo Eleazar, Bulacan Governor Daniel Fernando, at Malolos Mayor Gilbert Gatchalian at iba pa. (CHRISTIAN DALE)

95

Related posts

Leave a Comment