“MASYADONG makapal ang mukha ni Secretary Año at ng DILG.”
Ito ang tugon ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat sa paghingi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ng P40 billion para sa barangay development program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa 2022.
Ayon sa mambabatas, hindi nakuntento ang kalihim sa P16 billion na pondo ng NTF-ELCAC ngayong taon na tinagurian ng mga ito bilang “general’s pork” at gusto pa umanong doblehin ito sa 2022.
Base sa mga report, nais ni Año na mapondohan ng tig-P20 milyon ang may 2,000 barangay sa bansa para sa tinatawag na barangay development program kaya humihingi ang mga ito ng P40 billion sa susunod na taon.
“Doble pa sa badyet ngayong taon, gayung napakaraming nananawagan na sa pandemya i-allocate ang ganito kalaking pondo, sa halip na ibinabandila sa mga LGU (Local Government Unit) para magpalaganap ng karahasan sa mahihirap na magsasaka at mga katutubo,” ayon sa lady solon.
Kahit ilang daang bilyong piso pa aniya ang ilagak sa mga LGU kung hindi ito gagamitin sa pagtugon sa hikahos na buhay ng mamamayan ay wala itong silbi.
Pambili ng boto?
Naniniwala rin ang mambabatas na posibleng gamitin ang pondo na pambili ng boto sa susunod na eleksyon para masiguro ang panalo ni Duterte na tatakbong bise presidente at sa babasbasan nitong presidential candidate.
Pang-akit din umano ng administrasyon sa mga LGU ang P20 million kada barangay upang hindi kumalas ang mga ito sa administrasyon kaya dapat aniyang tutulan ang pondong ito.
“Ang taong 2022 ay election year. Magmimistulang pambili ng boto sa mga lokal na komunidad ang nasabing malalaking halaga. Hindi natin ito dapat payagan. Napakalaking katiwalian nito na lantarang nakabuyangyang sa ating lahat. Maraming bayan sa mga probinsya ang hindi bababa sa 30 ang kanilang barangay kaya malaking pondo ang matatanggap ng mga ito kung bibigyan ng P20 million ang bawat isa sa mga ito.
Magpaliwanag muna
Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na bago humingi ng dambuhalang pondo si Año ay dapat ipaliwanag muna nito kung bakit 12% lang sa kanilang anti-insurgency funds ang kanilang nagamit.
“Magpaliwanag muna siya dito sa sinasabi ng COA na napakarami nilang unobligated at unspent funds para sa kontra-insurhensya sa ilalim ng PNP. Ni wala pa nga siyang komentaryo hinggil d’yan tapos nanghihingi na naman siya ng dambuhalang alokasyon. Magpaliwanag muna siguro siya, bago manghingi,” ani Gaite.
Base sa Commission on Audit (COA) P86.568 million sa P722.95 milyon na ibinigay sa Philippine National Police (PNP) na nasa ilalim ni Año noong 2020 ang nagamit ng mga ito.
Bukod dito, kailangan din umanong ipaliwanag ni Año kung paano nagamit ang P86.568 million dahil karapatan ng taxpayers na malaman kung saan ginagamit ang kanilang binabarayang buwis.
“Maliban sa red-tagging, pagkakalat ng fake news, pagtatanim ng ebidensya at pamamaslang sa mga aktibista, saan pa ba dinala ng NTF-ELCAC ang pondo nila?” tanong pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
150 