ABUSADONG KOLEKTOR NG PAUTANG IPAKUKULONG

MULING binalaan ni Senador Win Gatchalian ang mga financial service providers, kasama na ang online lending platforms, laban sa kanilang mapang-abusong pamamaraan ng pangongolekta ng utang sa atrasadong bayad ng mga kliyente at sinabing itataguyod niya ang pagsasabatas ng parusang pagpapakulong sa ganitong mga gawain.

“Masyado nang mapangahas ang ibang lending companies na nagsulputan. Hindi sila titigil hangga’t walang batas na magpapanagot sa mga maling gawain nila. Umaabot pa sa puntong pamamahiya at paninirang puri ang ginagawa nila sa mga nangutang sa kanila para lang makasingil,” ani Gatchalian.

Kamakailan lamang ay inutos ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang pagpapasara sa KingABC Lending Corp., ang kumpanya ng mga online lending platforms na Pondo Loan, Start Loan, Green Loan, Loan Club, at Familyhan Credit Corp., dahil sa hindi makatarungang pangongolekta sa mga nagkakautang sa kanila, pagbabanta sa social media, at pananakot na magsasampa ng kaso.

“Hindi lamang administratibo ang dapat na maging pananagutan nila dahil ang mga maling gawain nila laban sa mga konsyumer tulad ng paglabag sa data privacy at cyber harassment ay may karampatang kriminal na parusa,” ayon sa Vice Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies. (ESTONG REYES)

292

Related posts

Leave a Comment