UMAKYAT sa 200% ang dami ng tawag na natatanggap ng One Hospital Command nitong Agosto buhat sa publiko na humihingi ng tulong para makakuha ng hospital bed o humihingi ng payong medikal.
Ayon kay Dr. Marylaine Padlan, OHCC Medical Director, nasa 400 hanggang 500 na tawag kada araw ang kanilang natatanggap na higit na mataas sa 100-200 tawag nitong nakaraang Hulyo.
Sa nasabing bilang ay nasa 20% ang tawag mula sa National Capital Region (NCR) habang marami ring tawag buhat sa Region 4A at Region 3.
Sa kasalukuyan, nasa ‘high risk’ pa rin ang Metro Manila pagdating sa health care utilization rate maging ang CAR, Regions 1, 2, 3, 4A, 10, at 13.
Una nang inabisuhan ng pamahalaan ang mga nakakaramdam ng ‘mild’ na sintomas ng COVID-19 na unang lumapit sa healthcare center upang mabilis na mabigyan ng atensyong medikal kaysa itago ang kalagayan at saka magpapasugod sa pagamutan kapag malala na. (RENE CRISOSTOMO)
359 