TINAWAG ni Senadora Leila de Lima na desperadong hakbang ng gobyerno ang inilabas ng Department of Justice na matrix sa 52 kaso ng drug war deaths.
Sinabi ni de Lima na layon lamang nito na i-divert ang atensyon ng publiko mula sa isinasagawang proseso ng International Criminal Court (ICC) laban sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni de Lima na “too little, too late” ang kasong prinisinta ng DOJ.
“Kung inaakala ng Malacañang na magagamit itong DOJ report para makalusot si Duterte sa kanyang kaso sa ICC, nagkakamali sila. Lalo pa nitong ipinakita na walang ginawa ang administrasyon na ito upang pigilan ang malawakang pang-aabuso ng ating kapulisan sa ilalim ng madugong War on Drugs ni Duterte,” giit ni de Lima.
“The DOJ report on its investigation of the 52 cases submitted by the PNP-IAS looked at the cases separately and independently of each other. A glaring pattern was that the respondents used the ‘nanlaban’ defense, claiming that the victims used unlawful aggression to justify the killings. Then and now, we know it’s a sham narrative,” dagdag nito.
Una nang inaprubahan ng ICC ang formal probe sa anti-narcotics campaign, ng gobyerno kabilang na ang extra-judicial killings (EJKs) sa Davao na iniuugnay sa Davao Death Squad (DDS).
Sa 7,800 kataong nasawi sa police anti-drug operations simula noong 2016, nasa 400 kaso pa lamang ang nirerebisa ng DOJ at inilabas ang matrix sa 52 kaso.
Nakasaad sa matrix ang ilang lapses sa protocols ng mga pulis tulad ng kawalan ng mga dokumento at pagsusuri at “excessive force” sa pamamagitan ng pamamaril sa isang suspek ng 15 beses.
“Barya-barya lang itong ginagawa ng DOJ. Neither the ICC nor the Filipino people will be fooled again. Panahon na para singilin lahat ng inutang na buhay ng ‘War on Drugs’ ni Duterte. The time for Duterte’s delaying tactics and evasive theatrics to end has come. It is now time for truth and consequences,” dagdag pa ni de Lima. (Dang Samson-Garcia)
201
