HOUSE-TO-HOUSE VACCINATION SA SENIORS

IMINUNGKAHI ng isang mambabatas ang house-to-house na pagbabakuna sa mga nakatatanda dahil base sa ulat ng World Health Organization (WHO) ay mahigit tatlong (3) milyon pa umano sa mga ito ang hindi nababakunahan kahit isang dose laban sa COVID-19.

Panawagan ni Senior Citizen party-list Rep. Rodolfo Ordanes sa Inter-Agency Task Force (IATF) at local government units (LGUs) na puntahan na sa kanilang bahay ang mga senior citizen para maproteksyunan ang mga ito sa COVID-19.

“Sa yugtong ito ng vaccination rollout, hinihiling ko sa IATF, NTF at mga LGUs na suyurin pang mabuti ang bawat eskinita, kalye, purok, sitio, subdivision o condo unit kung saan matatagpuan ang humigit-kumulang 3.4 million seniors na hanggang ngayon ay hindi pa rin nababakunahan,” ani Ordanes.

Ngayong taon ay hindi bababa sa 10 million ang bilang ng mga Filipino na edad 60 pataas.

Ang mga senior citizen kasama ang medical frontliners ang top priority sa COVID-19 vaccination subalit lumalabas na milyon-milyon pa rin sa mga ito ang hindi pa nababakunahan kahit isang dose.

Pinakamarami umanong unvaccinated Pinoy seniors sa Central Luzon, Southern Tagalog Region, at Central Visayas habang ang Cordillera Autonomous Region (CAR), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Caraga at National Capital Region (NCR) ang pinakamaraming nabakunahan.

Bagaman nauunawaan umano ng mambabatas na maraming matatanda ang nag-aalangan na magpabakuna ay kailangang ipaunawa sa mga ito ang kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

191

Related posts

Leave a Comment