3 ARESTADO SA P1.5-M SHABU

BAGSAK sa kulungan ang tatlo katao matapos makumpiskahan ng mahigit sa P1.5 milyong halaga ng shabu makaraang takbuhan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita habang sakay ng dalawang motorsiklo sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police chief, Col. Samuel Mina Jr. ang arestadong mga suspek na sina Jeffrey Feliciano, 43; Regie Rivera, 35, messenger, kapwa ng Sampalok, Manila, at Jeric Sy, 52, ng Brgy. 53 ng lungsod.

Base sa report ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) director, P/BGen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-12:05 ng madaling araw nitong Lunes, nagsasagawa ng Oplan Sita sa kahabaan ng Taksay St., Brgy. 28 ang mga tauhan ng Tuna Police Sub-Station (SS1) sa pangunguna ni P/Maj. Jerry Garces, nang parahin nila ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo dahil walang suot na helmet.

Gayunman, hindi pinansin ng mga suspek ang mga pulis at tinangkang tumakas ng mga ito na naging dahilan upang habulin ng mga parak hanggang sa bumangga sa nakaparadang truck si Sy at nadakip gayundin ang dalawa pang mga suspek.

Nang kapkapan, nakuha ni P/Cpl. Joeph Young kay Sy ang isang sachet na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na may standard drug price na P680,000 habang narekober naman ni P/Cpl. Christian Malinao kay Rivera ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng 25 grams ng shabu na may standard drug price na P 170,000.

Samantala, nasamsam ni P/SSgt. Ernesto Camacho kay Feliciano ang isang sachet na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na may standard drug price na P680,000. (FRANCIS SORIANO)

210

Related posts

Leave a Comment