Maguindanao, mananatili sa heightened alert KOMUNISTA DUROG NA — AFP

KUMBINSIDO ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tuluyan nang babagsak ang kilusang komunista kasunod ng pagpaslang kay George Madlos alyas Ka Oris ng Community Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) sa isang engkwentro sa Bukidnon nito lamang nakaraang Sabado.

Pagtatapat ni 4th ID commander Maj. Gen. Romeo Brawner Jr., nahirapan ang kanilang mga sundalong tugisin ang may 30 tauhan ni Ka Oris nang dalhin sila sa isang bahagi ng Barangay Dumalaguing sa bayan ng Impasugong kung saan aniya nagkalat ang mga landmines, bagay na naging hudyat para humingi ng dagdag pwersa sa Philippine Air Force (PAF) na nagsagawa naman ng aerial assaults.

Ayon kay Brawner, ang pagpanaw ni Ka Oris na may patong na P7.8 milyon sa ulo, ay hudyat ng mabilis na pagbagsak ng mga komunista.

Bukod kay Ka Oris, patay din sa umano’y enkwentro ang isang Eighfel Dela Peña alyas Ka Pika na tumatayong medical and communications staff ng NPA.

Paniwala ni Brawner, ang pagtatapos ng yugto ng 72-anyos na si Ka Oris na higit na kilala sa kanyang pakikibaka mula pa dekada 70, ay pagtatapos na rin ng kaguluhan sa ilang rehiyon sa katimugan.

Bago pa man napaslang ang beteranong rebelde, patong-patong na ang mandamyento de arestong ipinalabas ng korte kaugnay ng mga kasong multiple murder, homicide, kidnapping, arson at destruction of property na isinampa laban sa kanya.

Samantala, diskumpyado naman ang mga kaanak ng napaslang na lider komunista sa kwento ng ibinibida ng gobyerno. Anila, walang sagupaang naganap sa pagitan ng mga rebelde at mga sundalo. Giit pa nila, i-otopsiya ang bangkay ng mga nasawing kaanak.

Sa kaugnay na balita, manatili sa heightened alert ang militar at pulisya sa Maguindanao sa posibleng pagsalakay ng mga teroristang grupo kasunod ng pagkamatay ng kanilang mataas na pinuno. (JESSE KABEL)

271

Related posts

Leave a Comment