COVID-19 ALERT LEVEL SYSTEM, PAIIRALIN NA NATIONWIDE

IPATUTUPAD na sa buong bansa ang alert level system para sa COVID-19 response.

Ito’y matapos tintahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order No. 151 ngayong araw, Nobyembre 11.

Malinaw na nakasaad sa EO na obligasyon ng estado na protektahan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mamamayan nito.

Iyon ang dahilan kaya’t kinakailangang magpatupad ang estado ng state of public health emergency sa buong bansa sa panahong may pandemya ng COVID-19.

Labis kasing nakaapekto sa buhay ng mga indibidwal at mga pamilya sa buong mundo lalo na ang mahihirap na sektor ng lipunan ang COVID-19.

Magpapatupad naman ang pamahalaan ng mga kaukulang hakbang at mga patakaran gaya ng mga community quarantine para sa kaligtasan ng nakararami.

Sa kabilang dako, nakasaad pa rin sa EO na ang pinakabagong patakaran ay ang alert level system na base sa mga data ay nagbibigay ngayon ng muling pagsigla ng ekonomiya kasabay ng patuloy na pagbibigay proteksyon sa kalusugan ng mga tao.

Dahil dito, ipatutupad na sa buong bansa ang alert level system sa ilalim ng apat na yugto.

Unang yugto kinabibilangan ng NCR, na kasalukuyan nang pinaiiral; Region 3, 4A, 6, 7, 10 at 11.

Phase 2 ay sa region 1, 8 at 12.

Phase 3 ay sa region 2, 5, at 9.

Habang phase 4 ang CAR, Region 4B, 13, at BARMM.

Samantala, nakasaad pa rin sa EO na ang paglilipat sa phase 2 ay maaaring ipatupad anomang oras ng pagiging epektibo ng kautusang ito, o sa bisa ng pagtatakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) subalit hindi dapat lumagpas sa pagtatapos ng Nobyembre 2021.

Magsisimula naman ang mga susunod na yugto kada linggo hanggang maabot ang full nationwide implementation. (CHRISTIAN DALE)

185

Related posts

Leave a Comment