PIGILAN KUNDI MAUUBOS ANG TANIMAN

KUNG sino man ang susunod na pangulo ng bansa, dapat niyang pigilan ang conversion ng mga lupang sakahan sa commercial site at subdivision dahil kung hindi ay mauubos ang lupain na pinagkukunan ng pagkain ng sambayanang Filipino.

Ang daming mga ­negosyante ang namimili ng lupang sakahan sa tabi ng mga highway at tinatayuan nila ng mga bodega, gusali at kung ano-ano pa para sa kanilang negosyo.

Ang dating luntian na madadaanan mo sa kahabaan ng mga highway kapag bumiyahe ka, mga gusali na ang makikita mo at hindi biro ang lawak ng mga lupain na kinonvert nila sa commercial centers.

Kung hindi mapigilan ang conversion ng mga lupang sakahan, hindi malayong ma-ubos ang mga lupain na pinagtataniman ng palay, mais at iba pang agricultural crops na mahalaga sa food security.

Tandaan natin na palaki nang palaki ang populasyon ng Pilipinas kaya hindi dapat mabawasan ang mga lupain na sinasaka sa ating bansa dahil kung hindi magugutom tayo.

Noong unang bahagi ng dekada 80, ang populasyon ng Pilipinas ay mahigit 60 million lang pero matapos ang halos apat na dekada, umabot na tayo sa 109 million, halos doble na.

Baka sa susunod na apat na dekada pa, aabot na tayo ng mahigit 150 million kaya dapat mapigilan ang pag-convert sa mga agricultural land sa buong bansa ng mga lider kundi gutom ang aabutin ng susunod na mga henerasyon.

Hindi masama ang paglago ng mga negosyo pero dapat hindi maisakripisyo ang mga agricultural land natin. ­Maraming idle land na puwedeng pagtayuan ng commercial centers.

Dapat mabago ang sistema ang paniniwala ng mga negosyante na mas maganda kung nasa highway ang kanilang itatayong negosyo dahil mas malakas kumpara sa looban na hindi bahagi ng sakahan.

Pupuntahan at pupuntahan naman ng mga tao ang commercial centers kahit nasa looban pa ‘yan kaya dapat kumilos ang mga susunod na lider para isalba ang mga ­sakahan.

Aanhin n’yo ang mga gusali na simbolo raw ng pag-unlad kung pagdating ng panahon ay wala nang masaka ang mga magsasaka para pag­kunan ng pagkain ng sambayanang Filipino. Ano, aasa na lang tayo sa mga imported na pagkain? Huwag naman!

172

Related posts

Leave a Comment