KAPWA nalagutan ng hininga ang pulis na kabilang sa tropa ng Bauan MPS Patrol Section at ang suspek na kanila sanang aarestuhin sa lalawigan ng Batangas, sa unang araw ng Enero.
Ayon sa ulat, alas-10:45 ng umaga nitong Sabado nang makatanggap ng ulat ang pulisya hinggil sa tangkang pananaksak ng isang lalaki sa Sitio Tubog, Brgy. San Teodoro, bayan ng Bauan.
Agad rumesponde ang Bauan MPS Patrol Section sa pangunguna ng biktimang si PCPL Reynan Manalo y Magboo.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, tinangkang pasukuin ng mga pulis ang suspek na si Jollyben Montoya, 38, farmer, ngunit sinugod nito si Corporal Manalo at tinangkang saksakin na ikinatumba nito.
Nakuha pa ni Manalo ang kanyang baril at pinaputukan si Montoya ngunit nagawa pa rin nitong saksakin ang una.
Sa pagkakataong iyon, binaril ng isa pang pulis si Montoya.
Bagaman naisugod sa pagamutan ay kapwa idineklarang wala nang buhay ang pulis at ang suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.
272 