PNP naghigpit pa ng seguridad sa Day 2 PERMIT NG INC RALLY POSIBLENG MA-EXTEND

NAGPATUPAD ang Philippine National Police (PNP) ng panibagong operational strategy para sa ikalawang araw ng kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA nitong Miyerkoles, Hulyo 1.

Layunin nitong maiwasan ang matinding trapik na naranasan ng mga motorista at commuter noong unang araw ng rally.

Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang National Capital Region Police Office (NCRPO), Quezon City Police District (QCPD), at iba pang kaugnay na yunit na ganap na ipatupad ang inaprubahang traffic at security plans.

Ayon sa PNP, nakatuon ang operasyon sa pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan ng publiko, at maayos na daloy ng trapiko habang iginagalang ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon.

Naglabas ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon City ng permit na nagpapahintulot sa rally sa White Plains Avenue mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.

Batay sa permit, dapat manatili ang mga organizer sa itinakdang oras at lugar, iwasan ang pagsasara ng mga kalsada, at panatilihin ang kalinisan at kaayusan sa lugar.

Samantala, nagpakalat din ng mga tauhan ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa bahagi ng EDSA-White Plains upang tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko.

Batay sa ulat ng PNP Regional Highway Patrol Unit-NCR, nasa 98 na HPG personnel ang itinalaga sa paligid ng People Power Monument upang tumulong sa traffic management.

Nauna nang sinabi ng PNP na binago nito ang operational strategy matapos ang nangyaring lightning rally ng INC noong Martes ng gabi.

Samantala, sinabi ni Quezon City Public Order Chief Elmo San Diego na humiling ang INC ng apat na araw na permit para sa kanilang kilos-protesta hanggang Biyernes, Hulyo 3, bilang pagsuporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na napaulat na posibleng maharap sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P75-milyong campaign donation noong 2025 elections.

Gayunman, isang araw lamang ang inaprubahan ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon City para sa naturang rally.

Ayon kay San Diego, may posibilidad na mapalawig ang permit depende sa magiging takbo ng kilos-protesta.

“Titingnan namin kung maganda ang progress ng rally ngayon. Kung tingin ko kaya pa naming i-secure, ie-extend natin kung kailangan,” ani San Diego.

(TOTO NABAJA)

46

Related posts

Leave a Comment