NILIMITAHAN na ng Philippine General Hospital (PGH) ang pagtanggap sa mga pasyente na hindi COVID-19 ang sakit upang magamit ang ibang medical workers sa pagtutok sa mga pasyenteng nahawa ng virus.
“Unti-unti na we’re limiting our admissions of the non-COVID patients. In fact, mayroon na kaming directive na we will only take real emergencies,” ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH.
Ang mga mababakanteng medical workers ay ire-reassign sa kanilang COVID operations makaraang tumaas muli ang mga kaso nito ngayong buwan.
Sinabi ni Del Rosario na nasa 2,000 health workers ang nakatalaga sa kanilang COVID-19 operation ngunit nasa 40 porsyento nito ang nahawa na rin ng virus at kasalukuyang nasa ‘isolation o quarantine’.
Pinayagan naman ng pagamutan ang mga health worker na hindi na muna mag-quarantine kung sila naman ay asymptomatic para patuloy na mag-operate ang COVID-19 section nila.
“Kung gagamitin natin ‘yong conventional na recommendation na 10 to 14 days na quarantine, mauubos po talaga ‘yong mga health care worker,” paliwanag ni Del Rosario. (RENE CRISOSTOMO)
167 