Jobless pinagbabaril MATAGAL NANG ALITAN TINAPOS NG DRIVER

PATAY ang isang 22-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng dati nitong kaalitan matapos abangan sa isang eskinita sa Bacoor City, Cavite noong Linggo ng gabi.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Gilbert Villantes Jr., binata, walang trabaho, ng Malipay 3, Molino IV, Bacoor City, Cavite habang pinaghahanap ng pulisya ang inginusong suspek na si Rule Endang, alyas Bor, nasa hustong edad, isang driver, ng Sitio Tabing Ilog, Brgy. Molino IV, Bacoor City, Cavite na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa ulat ni Corporal Edilberto Reyes Jr., ng Bacoor City Police, alas-11:30 noong Linggo ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa isang iskinita sa Pulong Mabilog, Brgy. Molino IV, Bacoor City habang naglalakad ang biktima.

Sinasabing inabangan ng suspek ang biktima at pinagbabaril gamit ang hindi nabatid na kalibre ng baril, na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Ayon sa mga imbestigador, may matagal nang alitan ang dalawa at hinihinalang ito ang motibo sa pamamaril. (SIGFRED ADSUARA)

134

Related posts

Leave a Comment