3 HOLDAPER HULI SA HOT PURSUIT OPS

TUGUEGARAO CITY – Tatlong suspek, kabilang ang dating J&T employee, na sangkot sa robbery hold-up sa Santiago City kamakailan, ang naaresto ng mga awtoridad sa hot pursuit operation sa Santiago City at Quirino Province noong Martes ng umaga

Ang mga suspek ay kinilalang sina Mack Jay Dela Cruz Venturina, 28-anyos, construction worker; Pee Jay Dela Cruz Venturina, 34, dating empleyado ng J&T, pawang mga residente ng Purok 6, Abra, Santiago City, at Randy Ignacio Andres, 46-anyos, construction worker, residente ng Purok 6, Diffun, Quirino.

Ayon sa police report na ipinadala sa SAKSI NGAYON, dakong alas-6:00 ng gabi noong Enero 10, 2022, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang confidential agent na nakilala ang mga suspek sa CCTV footages sa insidente ng robbery hold-up sa Santiago City noong Enero 5, 2022 na in-upload sa social media.

Bunsod nito, agad nagkasa ng hot pursuit operation ang pinagsanib na pwersang City Intelligence Unit/Santiago City Police Office sa pamumuno ni Police Major Andy Orilla; Police Station 1 sa pamumuno naman ni Police Major Romel Cancejo, at Police Station 2 na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-7:00 ng umaga noong Enero 11, 2022 sa Purok 5, Brgy. Abra, Santiago City at Purok 6, San Isidro, Diffun, Quirino.

Nakumpiska sa mga suspek ang P120,000 halaga ng cash at items na binili nila mula sa pera na kanilang hinoldap.

Bukod dito, nakumpiska rin mula kay Andres ang isang cal. 9mm pistol na may magazine at may lamang 5 bala, at isang granada, habang replica ng cal. 45 at isang granada na nakumpiska mula kay Venturina.

Ang mga suspek ay sinampahan ng mga kasong robbery at paglabag sa RA 10591, RA 9516 at Omnibus Election Code na may kaugnayan sa Comelec Resolution No. 10728.

“The arrest of three suspects in robbery hold-up proves that no one can escape the arms of the law,” ani PRO2 Regional Director Police Brigadier General Steve Ludan.

Kasabay nito, pinuri ni Ludan ang operating teams ng Santiago City para sa isa namang malaking accomplishments sa kampanya ng PRO2 laban sa kriminalidad sa nasabing rehiyon. (JOEL O. AMONGO)

217

Related posts

Leave a Comment