PAG-OBLIGA SA BOOSTER CARD KINONTRA NG ECOP

HINDI sang-ayon ang Employers Confederation of the Philippines sa mungkahing i-require ang booster card sa mga establisimyento.

Sinabi ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis sa panayam ng RMN Manila na hindi sila pabor sa mga panukalang nagdi-discriminate sa mga hindi pa bakunado.

Dagdag pa ni Ortiz, tila overacting na kapag dumating na sa puntong i-require pa ang fourth dose o ikalawang booster shot ng COVID-19 vaccine sa bansa.

Para kay Ortiz, lalabas na tila pinagkakakitaan lamang tayo ng mga pharmaceutical companies.

Maging si infectious disease specialist Dr. Edcel Salvana ay hindi rin kumbinsido na nararapat na itong ipatupad.

Isinusulong ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na gawin na ding requirement ang pagkakaroon ng booster card sa NCR upang masiguro ang kaligtasan laban sa COVID-19.

Subalit sa Laging Handa Public briefing, sinabi ni Salvana na malayo pa ang bansa sa senaryong marami na ang nakatanggap ng booster shot.

Bukod pa sa marami pa rin ang dapat na makatanggap ng primary doses.

Giit ni Salvana, kailangan na manatiling pokus muna at otomatikong kasunod naman nito ay ang pagbibigay ng booster para sa mga nakatanggap na ng primary doses ng bakuna.

Hindi pa napapanahon, aniya na gawin ang panukalang no booster card, no entry policy sa establishments dahil marami pa ang hindi nabigyan ng third dose. (CHRISTIAN DALE)

152

Related posts

Leave a Comment