SUMIPA ang kaso ng COVID-19 sa pagpasok ng 2022 sa buong kapuluan, sa pagsibol ng Omicron variant kasunod ng kaliwa’t kanang parties at pagsasalo-salo dahil sa pagdiriwang ng mga Pilipino sa Pasko at Bagong Taon.
Kasunod ng Pasko’t Bagong Taon, ang Valentine’s Day na marahil ang ikatlong pinaka-commercialized na araw sa Pilipinas, na pinangangambahang posibleng maging COVID-19 superspreader event sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area sa dami ng inaasahang magtatagpo at magbibigayan ng regalong mga magsing-irog sa nasabing araw.
Bunsod ng pagsasailalim sa Alert Level 2 ng Metro Manila, inaasahang dadagsain ang mga mall at iba pang pasyalan sa apat na lungsod sa Araw ng mga Puso na posibleng magresulta sa hawaan ng coronavirus.
Kasalukuyang mababa ang mga kaso ng COVID-19 sa CAMANAVA at sa buong bansa, ngunit sa loob halos dalawang taon mula noong unang lockdown, ilang beses na itong nagtaas-baba, dahil na rin marahil sa mas pananampalataya sa mga tsismosa tungkol sa bakuna kaysa mga dalubhasa, pagiging kampante, at pagpapabaya. (ALAIN AJERO)
