17 PULIS KINASUHAN SA NAPATAY NA MAG-ASAWA

INIUTOS ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-imbestiga sa pagpaslang sa isang mag-asawa na umano’y binaril ng mga pulis na naghain ng search warrant sa Nasugbu, Batangas.

Dinaluhan nina Rosenda Lemita, ina ng biktimang si Ana Mariz Lemita-Evangelista, at Atty. Julian Oliva Jr. ng National Union of People’s Lawyer (NUPL), ang preliminary investigation sa nasabing kaso nitong Miyerkoles ng umaga.

Bukod kay Ana Mariz, napatay rin sa insidente ang kanyang mister na si Ariel Evangelista, na kapwa natadtad ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa pahayag ng mga pulis, nanlaban umano ang mag-asawa dahilan para sila mabaril. Ngunit ayon sa mga saksi, kabilang ang 10-anyos na anak ng mag-asawa, nakita nila nang kaladkarin ang mga biktima at dinala sa katabing bahay saka pinagbabaril.

Bunsod nito, kinasuhan ng murder ng NBI sa DOJ ang 17 pulis na kasama sa operasyon na kinilalang sina P/Lt. Col. Joseph Nandu, P/Lt. Arjay Santos, P/MSgt. Rafael Roque, P/MSgt. Mark Tolentino, P/SSgt. Elvern Cacatian, P/SSgt. Rodel Sillacay, P/SSgt. Edgar Brinas, P/Cpl. Aldrin Gabrillo, P/Cpl. Allen Lugue, Pat. Julio Bautista, Pat. Ray Boom Boom Dalingay, Pat. Grizzly Paras, Pat. Rogelio Ninolla, Pat. Ruel Tenoso, Pat. Rich John Melniel Tumacder, Pat. Renzo Santos at Pat. Mark Lester Padul.

Ayon sa inisyal na ulat ng NBI, may nakitang “deliberate intent to kill” sa parte ng umarestong mga pulis.

Nakasuot umano ang mga pulis ng bonnet masks at inihain ang search warrant sa alanganing oras ng madaling araw.

“The trajectory of the bullet, based on the location of the entry and exit points of the fatal wounds and the organs to which the bullet penetrated or perforated, per Medico-Legal Report Nos. BA-038-2021 and BA-039-2021, suggests that the spouses where (sic) in upright position and at a lower position than the shooter,” ayon pa sa report ng NBI. (RENE CRISOSTOMO)

280

Related posts

Leave a Comment