PETISYONG P470 UMENTO SA SAHOD SA NCR, INIHAIN

SA gitna ng pasakit na dulot ng walang humpay na taas-presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo, pormal nang naghain ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng petisyong dagdag sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, P470 kada araw ang hirit ng grupo para sa mga manggagawa sa Metro Manila. Sakaling aprubahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB), sisipa sa P1,007 kada araw ang magiging sahod ng mga minimum wage earners sa kabisera.
“Non-negotiable po ito at baka pagalitan ho tayo ng mga manggagawa,” ani Tanjusay.

Paliwanag ni Tanjusay, napakaliit na ng natitira sa sahod ng mga manggagawa bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Matagal-tagal na ring walang dagdag na sahod ‘yong mga manggagawa at napakaliit na ng take-home pay,” aniya pa.

Nanawagan din ang TUCP para sa kagyat na aksyon ng RTWPB – “Sana bago sumapit ang Semana Santa.”

Matapos ang pormal na paghahain ng naturang petisyon, agad namang nagpatawag ng konsultasyon ang wage board sa mga negosyante at employer.

Nauna nang inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello ang RTWPB na madaliin ang pag-aaral sa pagtataas sa minimum wage.

Kaugnay nito, wala pang halaga kung magkano ang aaprubahan ng Kongreso na dagdag sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.

Pag-amin ito ni House committee on labor and employment chairman Eric Pineda kaugnay ng paghahanda ng kanyang komite para sa pagdinig hinggil sa hinihinging umento ng mga manggagawa.

“The house bills were initially discussed by the committee on labor and employment last February 2020, before the onset of the pandemic in the Philippines and the implementation of Community Quarantines. However, no agreement was reached because several issues still needs further discussion,” ayon sa mambabatas.

Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagtutulak ng P100 dagdag sa minimum wage lalo na sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Subalit sa panukala ng mga militanteng mambabatas, nais ng mga ito na itaas sa P750 ang arawang sahod ng mga manggagawa dahil mahigit P1,000 umano ang dapat sahurin ng mga manggagawa upang magkaroon ng disenteng pamumuhay.

“We will open deliberations once again also so that we can have some discussions on the feasibility of raising minimum wage through the National Wages and Productivity Commission (NWPC),” ayon sa solon. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

292

Related posts

Leave a Comment