AMA NG TUMATAKBONG KONSEHAL SA CALOOCAN NANGMOLESTIYA NG BATA?

DUMULOG sa PUNA ang isang ginang na nanay ng batang babae at sinabing nakatakda silang magsampa ng sexual molestation laban sa 75-anyos na lalaki na paulit-ulit na nangmolesiya sa kanyang anak.

Sa panayam ng PUNA kay Aling Delia, ina ng batang babaeng 8-anyos at Grade 2, patungo sila sa isang political rally noong nakaraang buwan sa North Caloocan kasama ang matandang babae na asawa ng matandang lalaki na may-ari ng kanilang inuupahang bahay sa Brgy. 181, North Caloocan.

Nakalimutan umano ng matandang babae na mag­dala ng facemask kaya napilitang silang bumalik sa kanilang mga bahay para kumuha nito.

Laking gulat nila nang makita nilang nakapatong na sa kandungan ng matandang lalaki ang batang babae habang nanonood ng telebisyon.

Sa pangyayaring ito ay nagalit ang asawa ng matandang lalaki sa kanya, agad namang kinausap ni Aling Delia ang kanyang anak at tinanong kung ano ang ginagawa niya bakit siya nakakandong sa matanda.

Sinabi naman ng bata na kaya raw siya nakakandong dahil inutusan siya ng matanda at binigyan siya ng limang piso (P5) nito.

Inamin din ng bata sa kanyang ina na hinihipuan siya ng matanda sa maseselang parte ng kanyang katawan.

Kasabay nito, isinumbong din ng panganay na anak ng ginang na minsan ay nakita niyang hinalikan sa lips ng matandang lalaki ang kanyang kapatid.

Nilinaw naman ni ­Aling Delia na kaya naging malapit ang kanyang anak sa matanda dahil ito ang nagmamay-ari ng kanilang inuupahang bahay sa Brgy. 181, North Caloocan at itinuturing ito ng kanyang anak na tunay niyang lolo.

Dahil dito, minabuti ni Aling Delia na idulog ang kanilang problema sa City Social Welfare and ­Development Office ng Caloocan City. Lumabas sa imbestigasyon na naging ugali na raw ng matanda ang pangmomolestiya sa mga bata.

Napag-alaman din na kaya binibigyan ng matanda ang bata ng P5 para sumunod ito sa lahat ng kanyang ipagagawa.

Kaugnay nito, inirekomenda ng City Social Welfare and Development Office na sampahan na ng pormal na reklamo ang matanda para mailigtas ang mga bata na posible pa nitong maging biktima.

Sa pag-iimbestiga ng PUNA, nabatid na ang matanda ay tatay ng dating barangay kagawad sa North Caloocan na tumatakbong ngayong konsehal sa ilalim ng Aksyon Demokratiko Party.

Napag-alaman na ang official mayoralty candidate ng Aksyon Demokratiko Party sa Caloocan City ay si Cong. Egay Erice.

Samantala, ang presidential aspirant ng Aksyon Demokratiko ay si Manila Mayor Isko Moreno.

Sa ganang akin, isa sa pangunahing dahilan kaya nangyayari ang ganitong pangmomolestiya sa mga bata ng mga nakakatanda sa kanila ay dahil sa kawalan respeto nila at takot sa Panginoon.

Masyado ring minamaliit nila ang mga magulang ng bata lalo kung ang pamilya nito ay may utang na loob sa kanila.

Marahil isa rin sa ipinagmamalaki ng matandang ito ay ang kanyang anak na politiko at dahil walang kakayanan si Aling Delia na ipagtanggol ang kanyang sariling pamilya sapagkat wala na ang

kanyang asawang lalaki na maaaring makatulong sa kanya.

Ang payo po natin sa mga magulang, ‘wag n’yo po ipagkatiwala ang inyong mga anak lalo na ang babae sa kahit kaninong lalaki.

May mga kaso na mismo ang kanilang kadugo pa ang nang-aabuso sa kanila, mas lalo pa kung hindi nila ito kadugo.

Ay naku! Pumili kayo ng mga kandidato na hindi abusado at nang-aapi ng mga ordinaryong mamamayan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o kaya mag-text sa cell#0916-441-7163 at 0919-259-5907.

207

Related posts

Leave a Comment