8 SUSPEK SA MISSING SABUNGERO KAKASUHAN NA NG CIDG — DILG

NAKATAKDANG magsampa ng kasong kriminal ngayong araw ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa walong indibiduwal na pinaniniwalaang sangkot sa magkakahiwalay na pagdukot ng 34 sabungerong sangkot diumano sa game-fixing sa usong-usong e-sabong.

Pagtatapat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nakumpleto na ng CIDG ang mga ebidensyang magdidiin sa mga suspek na hindi na pinangalanan ng Kalihim hanggat wala sa kanilang kustodiya ang mga naturang suspek.

Aniya, kailangan muna nilang hintayin ang paglalabas ng mandamyento de aresto mula sa husgado.

Agad namang kinumpirma ni CIDG spokesperson Police Lieutenant Colonel Marissa Bruno ang paghahain ngayong araw ng mga kasong kidnapping at serious illegal detention sa mga suspek sa likod ng misteryong bumabalot sa pagkawala ng 34 na sabungero matapos dumalo sa talpakan kung saan milyon-milyon diumano ang pustahan.

“Pinaghahandaan ng CIDG ang pagsasampa ng kaso laban po sa walong suspects itong darating na  Biyernes,” saad ni Bruno sa isang panayam sa telebisyon kahapon ng umaga.

Sa kanyang ulat ni Sec. Año sa Pangulo, una na niyang inilahad ang iisang estilo sa magkakahiwalay na insidente ng pagdukot na naganap sa Maynila, Bulacan, Laguna, Batas at Rizal mula pa noong nakaraang taon, kasabay ng pagtitiyak ng opisyal sa pamilya ng mga nawawalang sabungero, hindi palalampasin ng pamahalaan ang mga tao sa likod ng krimen.

Kalakip naman ng ulat Año sa paladyo ang sipi ng mga sinumpaang salaysay ng mga testigo at mga kopya ng CCTV footage sa mga sabungan kung saan huling namataang buhay ang mga missing sabungeros.

Kabilang aniya sa kanilang “persons of interest” ay mga security personnel at mismong mga nagpapatakbo ng mga cockpit arenas. (LILY REYES)

212

Related posts

Leave a Comment