P6.8-M SHABU NASABAT SA LADY CLAIMANT

NASABAT ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang kilo ng umano’y shabu na tinatayang P6,800,000 ang halaga sa ikinasang controlled delivery operation sa Villa Crystal, Barangay Bagumbong, Caloocan City noong Miyerkoles ng gabi, Marso 16, 2022.

Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, isang babaeng claimant ang inaresto ng kanyang mga tauhan nang tangkain nitong kunin ang imported parcel na pinaglagyan ng isang kilo ng shabu.

Sa ulat na isinumite ni PDEA Region 3, Director Bryan Babang, kinilala ang suspek na si Charlene Nworisa y Zabala, naninirahan sa Bagumbong Dulo, Caloocan City, umano’y consignee ng nasabing kontrabando.

Sinabi pa ni Babang, ang pakete na naglalaman ng shabu ay nakatago sa loob ng mga laruang figurine.

Napag-alamang mula sa Kuala Lampur, Malaysia ang package at dumating sa Port of Clark noong Marso 12, 2022.

Sinasabing kahina-hinala ang bagahe kaya agad isinailalim sa X-ray at field testing gamit ang Rigaku Progency at natuklasan ang 31 translucent plastic pouch na naglalaman ng umano’y shabu na 1,000 grams ang timbang.

Bunsod nito, isinagawa controlled delivery operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Central Luzon, Clark Inter-Agency Drug Interdiction

Task Group, Bureau of Customs Port of Clark, PDEA NCR NDO, at PNP units na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na sasampahan ng kasong ‘importation of dangerous drugs’ sa ilalim ng Republic Act 9165. (JESSE KABEL/ALAIN AJERO)

168

Related posts

Leave a Comment