Apat na araw na pasok kada linggo o hybrid/flexible setup man, ang layunin pa rin ay mapasigla ang ekonomiya. Ito ang sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion. Ayon sa tagapagtatag ng Go Negosyo, sinusuportahan niya ang pagbabalik ng mga empleyado sa on-site na trabaho dahil mapapalago nito ang ekonomiya. “Maraming maliliit na negosyo tulad ng mga cafeteria at transportasyon ang nakasalalay sa mga opisina, “aniya.
Gayunpaman, naniniwala si Concepcion na posible pa rin ang hybrid o work-from-home para sa mga white-collar na trabaho at maging sa mga BPO, ngunit may mga trabaho na kailangang pa ring gawin on-site, gaya ng sa mga manufacturing plant, essential services, o sa pag-transport ng mga tao at paninda.
“May mga trabaho na hindi talaga pwedeng magampanan mula sa bahay,” sabi niya. “Alam na naman natin na ang solusyon para sa isa ay maaaring hindi angkop sa iba. Mayroong pwede sa hybrid na work-from-home arrangement, o sa apat na araw na pasok kada linggo, ngunit hindi lang iisa ang solusyon para sa lahat,” sabi niya.
Bukod dito, sinabi niya na maaring hindi sapat ang apat na araw kada lingguhang pasok para sa mga negosyong umaasa sa mga regular na shift upang makagawa ng mga produktong kailangan ng mga mamimili, o para kumita ng sapat para manatiling bukas ang mga negosyo. Idinagdag ni Concepcion na maaari pa itong makagambala sa daloy ng trabaho at dumagdag sa mga gastusin ng mga negosyong umaasa sa on-site na trabaho.
Nauna nang iminungkahi ng mga economic advisers ang four-day workweek, o ang pagpasok ng 40 oras bawat linggo sa loob ng apat na araw upang matulungan ang mga negosyo na mabawasan ang mga gastos at matulungan ang mga manggagawa sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Nilinaw, gayunpaman, na maaari lamang hikayatin, at hindi obligahin, ang pribadong sektor na magpatibay ng four-day workweek. Walang itinatakda ang Labor Code sa minimum na bilang ng mga araw ng pagtatrabaho sa isang linggo, at kailangan ding humingi ng pahintulot ng mga manggagawa bago ito ipatupad.
“Ang pagpapataw ng four-day workweek ay kailangang ding sumailalim sa mga patakaran at alituntunin ng gobyerno, na maaaring matagalan pa,” sabi ni Concepcion. “Samantala, kailangan na nating buksan pa ang ekonomiya upang mas maraming industriya pa ang makapag-aalok ng trabaho.”
