NAKUHA ng Miami Heat ang top seeding sa Eastern Conference playoffs, Biyernes (Manila time) matapos parehong matalo ang Boston Celtics kontra Milwaukee Bucks at Philadelphia 76ers kontra Toronto Raptors.
Kinapos ang Celtics kontra Bucks, 121-127, habang naungusan ang 76ers ng Raptors, 114-119, sa Toronto.
Dahil may dalawang natitirang games na lang sa regular season, nasementuhan ang No.1 spot ng Miami sa Eastern Conference sa record na 52-28 win-loss.
Pumapangalawa sa East ang Milwaukee na may 50-30 kartada. Huling makakalaban ng Bucks ay Detroit Pistons ngayong Sabado (Manila time) at sa road game ang Cleveland makaraan ang dalawang araw.
Ang pumapangatlong Celtics (50-31) ay may final regular season road game sa Linggo laban sa Memphis Grizzlies.
Muntikan nang manalo ang Celtics sa Bucks sa Fiserv Forum nang mula sa pagkakabaon ng 13 puntos ay nakaahon ito at lumamang pa ng lima, 114-109, sa kalagitnaan ng fourth quarter.
Ngunit nakabalikwas ang Milwaukee at naitabla ang iskor sa 27 feet three-pointer ni Bobby Portis, at nakaangat nang maipasok ni Giannis Antetokounmpo ang isang free throw para sa 122-121 score.
Sa sumunod na posesyon, pumasok ang layup ni Jrue Holiday at nadagdagan ang lamang ng Bucks, 124-121. Mintis naman ang wide-open shot ni Celtics’ Daniel Theis, habang naipasok muli ni Antetokounmpo ang isang free throw para sa 125-121 lead.
Sinelyuhan ni George Hill ang panalo ng Milwaukee nang ma-steal at maipasok ang bola.
Bumida sina Antetokounmpo at Holiday para sa Bucks nang umiskor ng tig-29 at nagdagdag pa si Khris Middleton ng 22 points.
Nanguna naman sa Boston si Marcus Smart na may 29 points.
“It was a tight game, but the guys found a way to win another close game, so some positives from that,” sabi ni Milwaukee coach Mike Budenholzer.
Samantala, nagningning sa Toronto si Pascal Siakam na kumamada ng 37-point triple-double laban sa Sixers.
May 11 rebounds at 12 assists din si Siakam, habang nag-ambag si Gary Trent Jr. ng 30 points para sa Raptors.
Namayagpag naman sa Sixers si Joel Embiid, 30 points at 10 rebounds habang si Tyrese Maxey ay nagdagdag ng 22 points.
“Offensively we lost our rhythm, we lost our pace,” sambit ni Philadelphia coach Doc Rivers. “That’s happened about three times now. We’ve got to keep our pace going. A frustrating loss.”
NUGGETS PASOK
SA WEST PLAYOFFS
SA Western Conference, inangkin ng Denver Nuggets ang last automatic playoff place sa 122-109 win kontra Memphis Grizzlies.
Pinasan ni reigning MVP Nikola Jokic ang Nuggets sa naitalang 35 points, 16 rebounds at six assists.
Bunsod ng panalo ng Denver, tuluyan naman naglaho ang pag-asa ng Minnesota Timberwolves sa automatic playoff spots.
Bahagyang nagkaroon ng tsansa ang Timberwolves matapos ang 127-121 victory kontra Antonio Spurs, nang magtala ng career-high 49 points si Anthony Edwards.
Samantala, sa no-bearing game sa San Francisco sa pagitan ng Golden State Warriors at Los Angeles Lakers ay tinalo ng una ang huli, 128-112. Muling pumutok si Klay Thompson nang umiskor ng 33 points kasama ang six 3-pointers para sa four in a row win ng pasok na sa playoffs na Golden State kontra sa talsik nang Lakers. (VT ROMANO)
