KUNG merong umiilaw ang mata sa babala ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na magkakaroon ng food crisis ay ang importers kasama na ang smugglers.
Bago ang babala ni Dar, pinangangambahan ang food crisis sa mundo dahil sa giyera sa Ukraine na itinuturing na world granary dahil sila ang may pinakamalaking produksyon sa wheat na
ginagawang arina.
Tandaan natin, hindi ganun kalaki ang konsumo natin sa arina dahil ang staple food natin ay bigas kaya hindi ko alam kung bakit nagbabala si Dar na magkakaroon ng food crisis sa ating bansa.
Hindi kaya ibinase lang niya ang kanyang babala sa sitwasyon ngayon sa Ukraine as in sumasakay lang na posibleng maging dahilan ng man-made food crisis na walang ibang makikinabang kundi ang importers?
Kapag nagkaroon ng man-made food crisis, papayagan na ang walang limitasyon na importasyon ng pagkain na karamihan ay tiyak na manggagaling na naman sa China dahil sa ngayon, sobra ang produksyon ng agricultural product sa bansa ni Xi Jinping dahil sa lockdown. Walang bumibili dahil ikinakandado sa kanilang bahay at COVID-19 facilities ang mga Chinese.
Kapag walang limitasyon ang importasyon ng pagkain, karaniwang sinasabayan ‘yan ng smugglers at ang kawawa na naman diyan ay ang mga lokal na magsasaka na hindi makasabay sa mas
mababang presyo ng imported goods lalo na ang mga ini-smuggled dahil wala silang binabayarang buwis.
Bakit hindi na lang tulungan ang mga magsasaka para mas maparami ang kanilang produksyon, hindi lamang sa palay kundi sa iba pang crops lalo na ang mga gulay at tulungan ang mga ito na maibenta sa disenteng presyo ang kanilang mga ani?
Kung talagang may malasakit ang DA sa mga magsasaka, dapat tinutulungan nila ang mga ito sa pamamagitan ng pag-subsidized sa abono, binhi at tiyakin na may tubig sa irrigation canal.
Hindi nakokontrol ng DA ang presyo ng abono na pataas nang pataas ang halaga kaya imbes na magtanim ng palay ang mga magsasaka, ibang crop na lamang ang itinatanim sa kanilang lupa.
Hindi regular ang daloy ng tubig sa irrigation kaya gumagastos ang mga magsasaka ng krudo para matubigan ang kanilang palayan gamit ang deep well na maiiwasan sana kung regular ang daloy ng tubig.
Kapag anihan naman, binabarat ang mga magsasaka ng mga middleman at parang may sindikato dahil kung ano ang dikta ng lider ng mga bumibili ng palay ay siyang dapat sundin dahil kapag may bumili nang mas mahal, pagtutulungan nilang ibagsak ‘yun o kaya hindi papasukin sa kanilang lugar.
Tingnan n’yo, hindi ang magsasaka ang yumayaman eh kundi ang mga middleman dahil kunwari, binibili nila ng P16 kada kilo ang palay at magpapalipas lang ng ilang buwan ang mga iyan at pagkaraan ay ibebenta nila ng P19 hanggang P21 kada kilo ang kanilang naipong palay.
Ang mga problemang ‘yan ang hindi nasolusyunan ng DA at ngayon ay nagsa-suggest na kesyo gawin ito para maiwasan ang food crisis. Bakit hindi niyo ginawa ‘yan noong 2016 pa lang?
189 