NAGBABALA kahapon ang Department of Interior and Local Government (DILG) na maari pa ring hulihin ng mga pulis ang hindi magsusuot ng face mask o lalabag sa pinaiiral na health protocol ng IATF sa lalawigan ng Cebu.
Ayon sa DILG, hindi nito kikilalanin ang executive order ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na nagsasabing gawing optional na lamang ang pagsuot ng face mask kapag nasa labas.
Sa statement ni DILG Sec. Eduardo Año, binigyang-diin nito na ipagpapatuloy pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagsita at paghuli sa mga violator ng Inter Agency Task Force (IATF) guidelines.
Nilinaw ni Ano na ang kasalukuyang IATF protocols ay pumapayag lamang para sa specific instances na maaaring tanggalin ang facemask lalo na kung kumakain omay iniinom o kapag nasa isang well-ventilated sports and activities.
Kaugnay nito, ipinaubaya ng Malakanyang sa Department of Health (DOH) ang anomang ipalalabas na kalatas hinggil sa naturang Executive Order sa Cebu.
Sinabi ni Acting Presidential spokesperson Secretary Martin Andanar, bahala nang magkomento rito ang DOH.
Kung matatandaan aniya sa mga nakaraang pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte partikular sa regular na Talk to the People nito ay nababanggit na dapat panatilihin ang pagsusuot ng face mask. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
350 