NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa publiko na posible umanong muling pumutok ang Mt. Bulusan sa Sorsogon dahil sa patuloy na nakikitang abnormalidad nito.
Ayon sa Phivolcs, nakapagtala sila ng mas maraming seismic activity nitong nakalipas na magdamag mula alas-5:00 ng umaga kamakalawa.
Sinasabing nakapagtala ang Bulusan Volcano network ng 45 volcanic earthquakes, kabilang ang dalawang two low-frequency volcanic tremors.
“Most of these were weak and shallow events, but may indicate that a phreatic eruption could possibly occur within the next few hours,” pahayag pa ng ahensya.
Nabatid na nanatiling nasa Alert Level 1 status ang Mt. Bulusan na nangangahulugan na sa kasalukuyang ay patuloy ang nararanasang abnormalidad sa bulkan kasunod ng nangyaring phreatic explosion noong nakalipas na Linggo.
Bunsod nito, pinaalalahanan ni Phivolcs Director Renato Solidum ang local government units sa paligid ng bulkan na bantayan ang kanilang mga residente sa pagpasok sa 4 kilometer radius or permanent danger zone.
Nanatili umanong ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa itinakdang 4 kilometer radius habang inalerto naman ang mga residente na nasa two-kilometer radius, o Extended Danger Zone bunsod ng malaking posibilidad na muling magkaroon ng phreatic eruptions.
Samantala, mula sa dating P16.85 milyong halaga ng mga pananim na nasira kamakailan, muli na namang nakapagtala ng P1.58 milyong halaga ng palay na nasira sa pagputok ng Bulkang Bulusan, ilang araw na ang nakalilipas.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) Regional Field Office 5, may naitalang nasira at nawala mula sa mga gulay at isda na nagkakahalaga ng P1.58 milyon.
Umabot ng 187 magsasaka at mangingisda ang apektado at 47 ektaryang sakahan ang may volume ng production loss na 8 metric tons.
Ang mga ito ay mula sa mga bayan ng Juban, Casiguran at Irosin sa Sorsogon.
May pagbaba naman ng kabuuang halaga ng production loss partikular na ang palay, mula sa P16.85 milyon kamakalawa ay naging P1.58 milyon kahapon ayon sa field validation na isinagawa ng DA RFO 5. (JESSE KABEL/JOEL O. AMONGO)
248 