SADLAK-DUSANG DULOT NG KAPALPAKAN NI CUSI

SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES

HINDI sapat ang katagang palpak para ilarawan si Energy Secretary Al Cusi, na siyang itinuturong dahilan sa likod ng mabigat na dagok ng krisis sa enerhiya.

Ang totoo, lahat naman apektado sa hidwaan ng dalawang oil-exporting countries – ang Ukraine at Russia. Pero hindi sana ganun kabigat ang pasakit sa publiko kung hindi pinalampas ang isang pambihirang pagkakataong nagsalba sa atin ngayon.

Taong 2017 nang tablahin ni Cusi ang alok na bilateral trade agreement ng Russia, kasunod ng pagbisita ni Pangulong ­Rodrigo Duterte sa nasabing bansa.

Ano nga ba ang nakapaloob sa alok ng Rosneft Oil Company ng Russia? Sa Philippine National Oil Company – Exploration Corporation (PNOC-EC)? Isang kasunduang magbibigay-daan para makapag-ipon ang Pilipinas ng “buffer stock” na pwedeng gamitin sakaling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Eh kaso nga, tinabla ni Cusi ang kasunduang binalangkas ng PNOC-EC na noo’y pinamumunuan ni Pete Aquino at ng Rosneft na nagpahayag ng kahandaang maglagak ng €10 billion sa ikapapanatag ng bansang Pilipinas.

Ang dahilan ng pananabla – ‘di muna kasi siya kinonsulta ng PNOC-EC bago kinausap ang Rosneft. Ano daw? Imposibleng ‘di alam ni Cusi ang naturang pakikipag-usap ni Aquino dahil siya rin ang chairman ng PNOC.

Higit pa sa buffer stock, sina-yang din ni Cusi ang pagkakataong maging bahagi ang Pilipinas sa mga international oil exploration. “It lays the basis for the development of multilateral cooperation in oil and products trading as well as for joint participation in oil ­refining projects… Intention to sign a strategic long-term contract in the near future for delivery of crude oil to the Philippine company,” bahagi ng kasunduang PNOC-Rosneft na ibinasura ni Cusi.

Dahil sa kanyang kahambugan, ang pabor na para sa atin, napunta sa India. Ang bansang dating kilalang kanlungan ng kahirapan, isang tigre na sa larangan ng ekonomiya. Tayo naman, heto – nagkukumahog, natataranta at walang magawa sa dikta ng mga may suplay ng produktong ­petrolyo gamit ng ating mga planta ng enerhiya, mga pampublikong sasakyan, pabrika, agrikultura at marami pang iba.

Ang masaklap, ipinasuspinde pa niya si Aquino na kalaunan ay inabswelto ng Ombudsman.

Sa dinaranas natin ngayon, ‘di uubrang ikatwiran ni Cusi na nakaligtaan lang niya sa dami ng kanyang mga inaasikaso, dahil makailang ulit nang inihain sa kanyang tanggapan ang mga solusyon sa nagbabadyang krisis sa enerhiya pagsapit ng 2023.

Sa halip na isulong ang mga programang magbibigay daan sa sapat at murang enerhiya, inuna pa kasi ang lintek na pulitika. Hindi makatarungang hayaang magdusa ang mamamayan dahil sa kapalpakan ng ilang tao sa pamahalaan.

Heto pa – para mapagtakpan ang kanyang kapalpakan, agresibo niyang isinusulong ang pagtatalaga ng kanyang mga alipores sa mga kawanihan at GOCCs sa ilalim ng kagawarang kanyang lalayasan.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

188

Related posts

Leave a Comment